You are currently browsing the monthly archive for Marso 2010.
Kahit anong gawin ng pamahalaan para mabago ang imahe ng mga pulis natin, wala pa ding nangyayari dahil hindi na talaga nila mabago ang mga pulis natin. Iilan na lang talaga sa kanila ang matino. Yung mga matitino ay hindi pinaparangalan ng maayos kaya hindi magtatagal ay magiging buwaya na rin sila. At yung matitinong pulis ay nagagaya dun sa pulis sa “Ang pagdadalaga ni Maximo Oliveros”. Babalik nanaman ba tayo sa buntong na kaya nila nagagawa ang pangongotong ay dahil hindi sapat ang kanilang kinikita? Oo, otoridad sila at dapat natin silang igalang. Sila ang superman natin pagmay kriminal at may mga mokong na nanggugulo at nagbabanta sa atin. Alam naman nating mahirap maging pulis dahil nakataya ang buhay nila 24 oras. Lumalapit tayo sa mga kaibigan nating mga pulis pag may problema tayo kahit na alam nating nabubuhay siya sa kotong. Pero sapat na bang dahilan yun para mangurakot ang ilan sa kanila. Sasabihin siguro ng ibang traffic enforcer, “Mas makakatipid nga sila kung magaabot na lang sila sa amin kesa padaanin pa sa legal na paraan..”
Tanong:
Paano matututo ang mga drayber na nagmamaneho ng lasing kung magaabot lang sila ng magaabot tuwing ginagawa nila ito? Aantayin pa ba nating makadisgrasya sila at mas malaki pa ang gastos na nagbabanta sa kanila?
Patas ba na pareho ang kita ng behikulong nakarehistro at hindi nakarehistro? Paano sila matututo kung hihingan lang sila ng hihingan?
Ligtas ba ang sasakyang walang busina, muffler at wiper? Kung paulit-ulit lang silang mag-aabot ng lagay, hindi magiging ligtas ang sasakyan nila. Buti ba kung sila lang maaaksidente, e kung makabangga pa sila ng mga taong wala namang violation.
Paano mawawala ang sangkaterbang traffic sa pinas kung tatanggap sila ng lagay sa mga nagpapapark sa kung saan-saan at nagbababa at nagsasakay kung saan-saan?
Paano lilinis ang hangin natin at makakaligtas sakit na pwedeng maidulot nito kung ang mga nagiinspeksyon at nanghaharang ng mga sasakyan na nag-ssmoke belching ay tumatanggap lang ng lagay na P500 pesos lalo na diyan sa Arroceros baba ng LRT central terminal?
Nasa Pulis ang kapangyarihan para madisiplina at mabago ang pilipino. Hindi nga lang nila ginagamit ang kapangyarihan nilang iyon. Pansinin natin, lahat ng matitinong bansa ay may malinis at matuwid na pulis. Directly proportional yun.
May pagasa pa naman. Simulan na natin ngayon. Mahiya naman sana yung ibang mga pulis na may mga anak. Hayaan nyong ipagmalaki nila kayo.
-metaporista
Nakababa ka na ba ng tren sa LRT Jose Abad Station? kung oo, naranasan mo na siguradong mapag-agawan.. Pag-agawan ng mga tricycle driver na nagaabang sa mga pababang pasahero.. Kung ikaw yung pasahero masarap na pagagawan ka dahil akala mo sikat ka tuwing bababa ka ng tren.. Sa parte naman ng 2 o pataas na bilang ng nagaagawan sayo, isa lang ang matutuwa sa kanila pagkatapos mong mamili at ang mga hindi mo napili ay maghahanap na lang ng iba para kahit papaano ay sumaya at may makain.. Ganito din ang eksena pag pumunta ka ng palengke, pagawaan ng mga cellphone, Dangwa, Department store ng SM lalo na sa bilihan ng medyas at brief at maraming-marami pang lugar. Ok lang sana kung ganito lang kumpara sa nangyari sa pag-agaw kay Helen ni Paris kay Menelaus. Libong barko ang lumarga para lang mabawi siya. Libong buhay ang nawala. Libong tao ang namangha.
Sa buhay, marami ng mga bagay ang permanenteng pinag-aagawan ang mga tao tulad na lang ng ticket sa first day ng Twilight at Avatar. Bus sa mga terminal tuwing magmamahal na araw at magpapasko. 50% off na mga damit sa SM. Spratly Island. at higit sa lahat, ang pinakamataas na upuan sa Pilipinas, ang upuang kasalukuyang inuupuan ni GMA na kahit hindi pa tapos ang termino ng nakaupo ay pinapatalsik na. Nakakaadik daw ang upuan na ito na para bang ayaw mo ng mawala sayo dahil naging parte na ng buhay nila ang kapangyarihan, karangyaan at paggalang na makukuha nila pag-upo dito. Kung sino man sana ang maupo, wag sanang masyadong maadik tulad kay Ninong Marcos na namuno ng 20 taon. Oo nga siguro’t alam niyo na nasa inyong kamay ang pagbabago ng pilipinas pero ang kamay niyo’y mapupudpod at mapapagod din na pag pinagpatuloy niyo pang gamitin ay hindi na maglalabas ng magagandang bunga.
Minsan nang pinag-agawan ng mayayamang bansa ang pilipinas, alam nating lahat yun. Ngayon, tayo na ang naghahabol ng tulong nila. ika nga ni Bob Ong..
“..sa paglipas ng panahon, maging ang mga crush ng bayan sa eskwelahan e
nagmumukha ring pandesal. Maniwala ka.”
-metaporista
Hindi ang pekeng nyebe sa Baguio ang tinutukoy ko kundi ang nyebe sa mga tollgate tulad na lang sa coastal road. Oo, ang mga munting resibo na nagkalat sa tuwing ako’y tumatawid dun. Meron namang nakahandang munting basurahan dun pero mas gusto pa rin ng karamihan na ilaglag ito sa kalsada. Kung ang simpleng bagay lang na resibo ay hindi magawang itapon ng mga driver ng maayos, paano pa kaya ang kabuuan ng ating populasyon. Siguro nga at hindi kakalat palayo ang resibong kinakalat nila dahil mahahawi lang ito papunta sa gilid at tsaka na lamang nila ito wawalisin. Tama ba naman yun? Hindi ba mas ok kung wala ng wawalisin yung taong gagawa nun? Paano na nga naman pala ang ating mga oyster sa kalsada sa manila na linis ng linis kung wala na silang basurang lilinisin kundi ang mga nalalagas na dahon na lang? Mawawalan na ba sila ng trabaho? Oo, may pera sa basura, pero sa pagkakalat natin nito, kailangan nating magbayad para malinis ito. At hindi lang pagbabayad ng pera ang ibig kong sabihin kundi ang pagbabayad sa ginawa nating kasiraan sa kalikasan. hindi ba’t lahat naman ng drayber na makakapagdrayb sa highway ay dapat ng 18 anyos pataas? Ibig sabihin, 18 anyos na sila pataas pero hindi pa rin nila alam ang epekto ng pagkakalat ng basura? Sana maglagay na lang sila sa tollgate ng mga karatula na itapon ng maayos ang kanilang basura o kaya naman ay bigyan ng seminar ang mga kukuha at magpapanibago ng lisensya sa pagmamaneho patungkol sa pagiging responsableng mamamayan na iiwas sa pagkakalat. Nakakaawa naman sila. 5 taong gulang pa lang ako alam ko na na masama ang magkalat at pinipilit ko sa sarili ko na sundin yun. Tipong pag-ihi nga sa dagat ay hindi ko magawa nung bata ako dahil alam kong madudumihan iyon.
Napakadami nating munting magagawa para makatulong tayo sa pagbawas ng kalat sa kapaligiran. Ito ang ilan sa mga naisip ko:
- Sino ba ang nagpauso ng pagsalin ng softdrinks sa plastic ng yelo at lagyan ito ng straw? Yan kasi ang karaniwang nakikita kong kalat sa kalsada e. Sana ipagbawal na yun sa lahat ng Sari-sari store sa buong pilipinas.
- Sa UP Los banos bawal ang plastic bag. Sa UP diliman bawal ang styropor. Sa Singapore bawal ang chewing gum. Hindi ba natin pwedeng ipagbawal yung 3 sa buong pilipinas? Sa ilang shopmart sa japan, may additional na bayad pag ipapaplastic mo yung bibilhin mo. Kaya kahit papaano maiisip mo na magdala na lang ng malaking bag na pwedeng paglagyan para makalibre. Buti pa nung unang panahon kung saan uso pa ang balde at bayong, hindi tulad ngayon plastic bag na na diretsong tapon.
- “Practice segregation”, “Paghiwa-hiwalayin ang mga basurang nabubulok at hindi nabubulok” at iba pa. Yan ang makikita nating nakapaskil sa mga Truck ng Leonel Waste management at sa mga pader kung saan-saan. Umaga na, dadaan na ang truck, ilalabas na ng bawat bahay ang kanilang basura, ilalapag sa gilid ng kalsada, kukuhain ng basurero, paghihiwa-hiwalayin ng basurero bago itapon. Tanong, para saan pa yung “Practice segregation” kung yung mga basurero lang din naman pala ang magsesegregate? Ang masama ay iba ang sinesegregate ng ibang basurero. Imbis na nabubulok at hindi na bubulok, Mapapakinabangan at hindi na mapapakinabangan ang kanilang nagiging basehan. Alam nyo bang sa Japan ay hindi nila dadamputin ang basura niyo pag hindi nyo ito sinegregate? sobrang higpit nila pagdating sa basura. “Mamatay kayo sa baho, hindi namin dadamputin yan para matuto kayo“, yan ang prinsipyo nila na sa tingin ko ay dapat nating tularan. Iba na din kasi ang prinsipyo sa atin, “Boy pakihiwalay na lang ha, ako ng bahala sayo sa pasko“. Isa pa, Umagang-umaga, papasok ka sa opisina, bagong ligo ka nakagayak ng maayos tapos dadaanan ka lang ng truck ng basura ni Leonel na umaalingasaw. Sana Mga bandang alas- 2 o tres na lang sila mangolekta. Bumabaho ang umaga ng pinoy e.
- Alam nyo bang napakasama sa katawan ang sobrang lead? Kaya nga meron na tayong unleaded ngayon. Ibig sabihin ay hindi na nilalagyan ng lead. Oo, hindi ibig sabihin ng unleaded ay tinanggalan ito ng lead kundi hindi ito nilagyan ng lead. Ang lead ay isang additive lang sa gasolina. Tanong, bakit nilalagyan ng lead ang gasolina dati? Nilalagyan nila ng lead dati ang gas dahil nakakapagpatibay ito ng loob ng makina ng isang sasakyan pero hindi pa nila alam noon na makakasama ito sa katawan ng tao pag nasobrahan sa langhap. Isa sa epekto ng lead ay ang pagkatulog habang nanunuod ng TV. Nakakatuwa dahil sinosolusyunan na ng gobyerno ang problemang ito. Dapat lang na ipagpatuloy nila ito.
- Tingin sa kaliwa, Tingin sa kanan, sabay tapon ng basura sa creek. Mga hindi edukado ang gumagawa nito. Dapat sa kanila, barilin sa sentido.
May nyebe din sa pinas.. mabaho nga lang ito at karaniwang hindi puti.. Kung saan-saan din ito bumabagsak.. Pwedeng sa bubong.. sa creek.. sa kalsada.. at pwedeng pwede rin sa mga basurahan, kaya lang, kinatatamaran..
-metaporista
Marso 16, 2010
Reaksiyon sa Iskwater
ni Sandra Aguinaldo
Iskawater.Galing sa salitang ingles na Squatter na ang ibig sabihin ay Nakikisilong.
Ayon sa isa sa ininterview ni Sandra Aguinaldo, Ang dahilan daw ng kanilang pagluwas sa siyudad ay dahil na rin daw sa mga sabi-sabing umiikot sa kanilang lugar na madali lang daw ang kumita ng pera sa siyudad. Lingid sa kanilang kaalaman, Karamihan sa mga Kompanya ay may kinukuhang Kwalipikasyon na papasa sa kanilang Standard. Bawal ang may malalang sakit, Bawal ang walang Tinapos at bawal ang walang kakayahang magtrabaho. Napaka-dali kasi mapaniwala ng pinoy pag-dating sa ganyang mga bagay. Naipon tuloy sila at nagsama-sama na lang sa isang lugar na abandonado.
Wala na atang natitirang solusyon diyan ang gobyerno. Ang tanging Solusyon na natitira ay nasa kamay rin ng mga iskwater. Dapat silang magsumikap sa kanilang buhay at piliting iahon ang kanilang mga paa sa putik na kanilang nilulubugan.
Bagama`t ang naging konotasyon natin sa mga Iskwater ay mahihirap at isang kahig, isang tuka, ay mayroon rin palang mayayamang tao na nakatira doon. Minsan nga ay kung sino pa ang iskwater ay sila pa ang kumpleto sa mga gamit sa bahay tulad ng Dvd player, Telebisyon, Refrigerator at ang nakakamangha sa lahat, Aircon. Sila ay mga negosyanteng marurunong humawak ng pera na nagsumikap sa pamamagitan ng maliit na puhunan.
Ganyan talaga ang buhay. Balanse. May mayaman, may mahirap. May masipag, may tamad. May pinalad, at may hindi. Kung saan man tayo malagay, Manalig lang tayo lagi sa itaas at sundin ang kanyang mga utos. Tandaan lagi: Nasa Diyos ang awa, nasa tao ang gawa.
Enero 17, 2008
-Metaporista
Reaksiyon sa Ampon
ni Sandra Aguinaldo
Ampon ay isang salitang balbal na ang ibig sabihin ay taong walang kinalakhang pamilya o magulang. Sa aking palagay, ang ampon ay nagmula sa salitang No Family, No Pamilya, hanggang sa kinuha ang una hanggang pangatlong titik na NO PAM at saka ito binaliktad at naging AMPON.
Mahalaga ang paglalabas ng dokumentaryong iyon ni Sandra Aguinaldo. Lingid sa kaalaman ng marami, ang pagpapa-ampon ay isang pandaigdigang problema na hindi lamang sa pilipinas matatagpuan. Ang karaniwang dahilan ng pagpapa-ampon ay umiikot sa kahirapan at karangalan ng angkan. Ipinakita na dahil minsan sa kawalan ng pangsuporta sa bata ay pinipili na lang nila na ipa-ampon ang kanilang anak dahil nangangarap din daw sila ng magandang buhay para sa kanila. Ang iba naman ay mga anak ng kriminal at ang iba ay mga batang bunga ng mga panggagahasa. Marami ring mga bata ang ipinapa-ampon dahil hindi pa handa ang mga magulang na humarap sa isang responsibilidad dahil na rin sa kanilang murang edad ng pagbubuntis.
Ipinakita ang iba`t ibang anggulo ng mundo ng isang ampon ng dokumentaryong ito. Nagpapa-ampon, Ipina-ampon At ang Nag-ampon. Seryoso ang usapin na ito dahil buhay ng tao ang nakasalalay sa ganitong bagay. Naging patas naman at hindi nakakasakit sa damdamin ng mga manonood ang naging palabas. Bayani ang mga nag-ampon, biyaya ang mga ampon.
Isa lang ang gustong tumbukin ni Sandra. Iyon ay ang lahat ng Dahilan na nakapalibot sa pagpapa-ampon ay ang Pag-ibig. Lumuluha rin ang ina at ama kapag nawawalay sa kanila ang kanilang anak. Masakit sa kanila iyon. Dahil sa kanilang pagkakamali, dahil sa pag-ibig sa kanilang anak, at dahil sa hindi permanente ang buhay sa mundo, kaya may ampon.
Enero 17, 2008
-Metaporista
Ang Bumerang
Kaklase: O! Nabuhay ka ahhh!
Ako: Oo naman.. Ako pa.. Aral ulit..
Kaklase: Ano nangyari sayo?
Ako: Basta mahaba.. Kain muna tayo.. Kwento ko..
Yan ang mga pambungad na bati ngayon ng mga naging kaklase ko noon. Nakakatuwa dahil di nila ako nakalimutan. Tuloy-tuloy ang kwentuhan hanggang sa magtatanungan na ng mga kursong kinuha para sa susunod na tatlong buwan. Ang iba ay hindi makapaniwala na naiwan na talaga nila ako. Bakit ba naman hindi? Dalawang taon ba naman ako halos tumigil e. Ngunit hindi Ko naman masasabi na nasayang ang panahon na iyon sapagkat nakasama at naalagaan Ko naman ang aking Ama, na naging daan para Ako’y maging isang ganap na tao, hanggang sa huling sandali ng Kanyang buhay.
Nagtrabaho Ako para makasuporta sa Aming pinansyal na gastusin na hindi ko pinag-dalawang isipan dahil ako ang panganay na anak sa aming pamilya. Wala akong ibang magagawa dahil ang aking Ama ay nasa banig noon ng isang malubhang karamdaman. Apat na kumpanya ang aking napagtrabahuhan sa bansang Hapon. Nasubukan kong mag tapal ng semento sa mga biyak-biyak ng poste, Mag-lagay ng mga produktong plastik sa kahon, Mag-Welding ng mga bakal na ginagamit sa mga parte ng sasakyan at ang huli ay ang mag-kontrol ng robot na gumagawa ng mga parte ng mga makinang pang-imprenta. Nagtagal ako sa huling kumpanya dahil mayroon akong nakasamang mga Pilipino na madali ko nakagaangan ng loob na hindi gaya sa mga una kong napasukan. Buti na lamang at parehong lenggwaheng tagalog ang aming alam. Mayroon din ibang mga pilipino doon ngunit hindi ko sila makausap dahil hindi sila marunong mag-tagalog at hindi ako marunong mag-bisaya. Bagama’t parehas kaming pilipino, Ingles na lang ang aming ginagamit sa aming usapan upang lubusan na magkaunawaan.
Ang Aking pangalan ay nangangahulugang, “Unang Heneral” na ibinigay ng aking Ama. Kasalukuyang labing siyam na taong gulang. Ipinanganak noong Hunyo 10, 1988, alas-11 ng gabi, sa Bacoor, Cavite. Ang aking ama ay Isang Enhinyero Sibil Ng Kumpanyang Nippon Concrete, Lumaki sa Oita ken, Hita City, Japan, at magdiriwang ng kanyang unang taon ng pagkamatay sa Kanyang Kanser sa Atay sa Darating na Pebrero 12. Ang aking Ina ay Lisensiyadong Cultural Dancer Noong 80`s, Isang mabuting Ina na nabiyayaan ng talento sa pagluluto at matuwid na pagpapalaki sa anak. Ako’y may isang kapatid na Artistahin na may pagkamukhang Italiano dahil sa taglay na matangos na ilong. Mapapansin nyo ako sa aking pagiging Balbon, Singkit na mata, Kayumanggi at may tamang Taas. Hindi ako Maarte sa Pagkain. Wag lang Dinuguan. Mahilig akong Mag-Kape, Sa Bahay at hindi sa StarBucks. Hindi Ako mahilig manood ng TV. Sa Diyaryo At Internet lang ako kumukuha ng Balita. Mahilig ako sa Musika, Pero wala yatang hilig ang musika sa akin. Mahilig ako sa Pepperoni at Mustard. Naglilinis lang ako ng bahay pag may ipis akong nakita o kaya pag may bisitang paparating. Wala akong Bisyo.
Kaklase: Bakit hindi ka na lang mag aral sa Japan?
Ako: Bihira sa kanila ang marunong mag ingles e.. Hindi naman ako ganun kagaling maghapon kasi dito ako lumaki sa atin..
Kaklase: Pwede naman mag-aral diba?
Ako: Sayang sa oras..
Kaklase: Bakit di ka lumaki dun?
Ako: ah e..
Yan ang tanong nila. At yan din ang tanong ko sa aking sarili at sa aking mga magulang. Bakit hindi nila ako doon pinalaki? Pinaliwanag na naman na nila sa akin at nakumbinsi naman nila ako sa kanilang mga sagot. Una ay ang malaking Gastusin. Sunod ay ang kanilang pangamba na baka raw makuha namin ang ugali ng ibang hapon na parang istatwa lamang ang turing sa kanilang magulang na dinaraan-daanan lamang pag sila ay tumanda na. Hindi raw sa lahat ng oras ay nariyan sila sa aming tabi upang kami’y gabayan. Kung doon kami mag-aaral ay tiyak na maiimpluwensiyahan kami ng aming kapaligiran. Hindi naman sa sinasabi ko na masama ang kapaligiran ng hapon. Sa totoo nga ay napakapayapa ang loob ko sa bansang iyon. Malinis, Masarap ang pagkain, Walang namamalimos, Walang Kotongerong Pulis, Wala masyadong gulo at away, Walang bako-bakong daan, Walang Tambutsong nagbubuga ng napaka-itim na usok at higit sa lahat, Walang NPA o Abu Sayyaf na nanggugulo sa kapayapaan ng bansa. Pero Hindi ko naman minamaliit ang Pilipinas ng ganun. Kahit Ganito ang ating Bansa, Mas mahal ko ito kaysa sa bansang hapon.
Lumaki akong Batang Kalye dito sa Pilipinas. Walang larong Kalye na hindi ko nalaro. Kung may parusa lang sa mga batang sobra ang paglalaro, Tiyak, masisintensyahan ako ng habang buhay na pagkabilanggo. Hindi mabubura sa aking alaala ang aking kabataan. Kaya sa Cavite ko sinalubong ang taong 2008 para makamusta ko naman ang aking mga kababata na minsan pa’y nagpangiti sa aking munting labi.
Pagdating sa pag-aaral, hindi ako ganun kasipag. Ayaw kasi ng aking mga magulang na pilitin ako mag-aral dahil naniniwala sila na makakasama sa bata ang sobrang pag-aaral. Gusto nila na ma-enjoy namin ang aming kabataan. Pero hindi naman kami nagpapahuli at napapabayaan dahil tinuturuan naman kami ng aming magulang sa alam nilang mas epektibong paraan.
Apat na paaralan ang nilipatan ko ng ako’y nasa elementarya pa lamang. Kaya hindi na naging mahirap sa akin ang makisalamuha sa iba’t ibang uri ng mukha sa aking murang edad. Pero tulad ng Isang ordinaryong bata, Isa rin akong mahiyain na hindi mo mapapakanta ng Sitsiritsit Alibangbang ni’ mapapasayaw ng boogie. Mahabang pakiusapan bago maipilit na ibuka ang aking bibig para sumabay sa himig ng buong klase. Kung ano-anong pang-uuto ang kanilang ginagawa para maigalaw Ko lang ang Aking mga paa upang sumayaw.
Ngunit nawaglit din ang aking pagiging mahiyain noong Ako’y nasa sekondarya na. Sa wakas, Sa Awa ng Diyos. Naging aktibo sa aktibidad sa lahat ng Isports lalo na sa Pagtakbo At Basketbol. Naging mananayaw ng Iba’t ibang sayaw na ipinanlalaban sa ibang kalapit na Paaralan. Gumanap sa Iba`t Ibang katauhan sa Larangan ng Pag-arte sa aming Paaralan. Ngunit ang Pinaka-gusto ko sa lahat ay ang Sabayang Pagbigkas. Nakilala ako na may Pinaka-Dumadagundong na Boses. Malakas na Boses na nagiging daan na rin para makabawas ng paminsang Sama ng Loob.
Wala naman naging Problema sa aking Akademiko. Siyensiya’t Agham, Matematiko at Filipino Ang aking naging Paborito. Pinaka-ayaw ko naman ang Ingles dahil inaantok ako sa Pag-buo ng mga salita na hindi ko matangkilik kahit na anong pilit. Kung Minsan ay hindi na ako nakakagawa ng Takdang Aralin dahil pagdating sa bahay ay kain at tulog na lang. Pagod dahil pagkatapos ng klase ay Diretso agad sa Basketbolan at Pagkatapos maglaro, Diretso sa Kompyuteran at pag masakit na ang mata, Diretso na sa kaibigan Hanggang sa hanapin na ng Magulang. Pasaway akong Bata. Pero sa tingin ko, Kung haharapin ang Realidad, Ay normal lang ang mga bagay na iyon. Tiyak hindi ako mauubusan ng Kwento sa magiging Apo ko tulad ng ibang lolo na Walang ibang ma-ikuwento, Kundi ang kanilang pagiging kaanib sa Hukbalahap at pagtago sa likod ng mga Damong Dayami. Sana lang ay hindi ko lubusang Malimot ang mga bagay sa mga darating na panahon.
Gumising ako isang araw na nakangiti. Unang Araw sa Kolehiyo. Panibagong Mundo, Malalaki na ang mga tao. Hindi puwedeng Hindi ko ito ayusin. Isa na Ito sa magiging batayan ng Hinaharap ko. Kailangan ko ng Mag-Seryoso. Hindi na Biro kapag Matrikula na ang Pag-uusapan. Kung babagsak, Malaking pera ang masasayang. Kung Babagsak, Kailangan nanaman mag patulo ng Pawis ang aking mga magulang. Kung Babagsak, Sayang ang Tatlong buwan. Kaya naman pinilit ko ng Makakuha ng Akademikong Iskolar. At sa awa ng Diyos, Napunta ako sa mga Gurong may Utak at Puso dati.
Pinili ko ang Programa ng Pagiging Enhinyero Sibil, Dahil alam ko, Gaya ng aking Ama, Hindi ako mapapaupo sa Opisina ng Walong Oras At Hanggang Mamanhid na ang Puwet. Ang Gusto ko ay ang Magtrabaho Sa Labas na may Sariwang Hangin, Malayang Kumilos, Maraming Lugar na Napupuntahan, Maraming natutulungan, Gumawa ng Bagay na Magiging Kapakinabangan Ng Sangkatauhan At Trabahong may Karangalan na walang natatanggap na banta sa Aking buhay at Pamilya Gaya ng mga nasa Politika, Pulisya at Media.
Sino na ba ako ngayon? Ama na ako ng aking Ina at Kapatid. Isa pa ring Istudyante na namumuhay mag-isa na malayo sa mga kamag-anak. Sariling Saing, Laba, Plantsa at Linis. Buti na lang at tinuruan ako ng aking Ina ng mga gawaing bahay at Hindi kami Sinanay na maging Senoritong Mangmang na nganganga lang at ngunguya.
Nagsisikap ako ngayong Termino na mabawasan ang aking Matrikula sa susunod na termino sa pamamagitan ng mataas na grado. Sana Lang Ay Walang maging hadlang. Sana di ako madaig ng tukso na magpabaya sa Pag-aaral. Pero alam ko, Na hindi ko yun magagawa kung hindi itutulot ng Diyos na nagtitiyagang Magdagdag ng aking hininga para manatili akong buhay. Ika nga ni Andrew E. “Nasa Diyos ang Awa, Nasa tao ang Gawa”. Kaya naman, Dahil nakabalik na ako sa Pag-aaral, Dahil malakas at Buhay pa ang Ina at Kapatid ko, Dahil kaya ko pang Tumikim ng Kape, Dahil buo pa ang Kamay at Paa ko, Dahil alam ko pa ang Sagot sa 1+1, Dahil Matibay pa akong nakapananatili sa Relihiyong aking kinabibilangan At Dahil Andiyan si *** na aking Inspirasyon, Karapat-dapat lang na Ibalik ko sa Diyos ang Lahat ng Kapurihan sa kanyang banal na Pangalan.
Pagbabago. Permanente na talaga yun sa buhay ng tao. Pwedeng mapabuti, Pwedeng mapasama. Pero kung alinman sa Dalawa ang mangyari, Diretso lang tayo. Wag isuko ang buhay dahil sa maliit na sugat na ating natamo. Kapag Pakiramdam natin na tayo ay Wala ng kuwentang tao, Sulyapan lang natin ang magagandang bagay ng ating nakaraan, Kung Paano ka ngumiti at Nagpangiti ng kapwa mong minsan ding nagdanas ng mabibigat na problema.
Kaklase: May notes pa akong nakatabi tsaka mga Libro.. Sabihin mo lang..
Ako: Salamat.. Sabihin ko na lang sayo sa susunod..
Kaklase: Teka.. Teka.. Ang Taba mo ah!!!
Enero 8, 2008
Talambuhay ni Metaporista
-metaporista
“Pansamantalang abala, kapalit ay pangmatagalang ginhawa..”
Yan ang ating mababasa sa mga lugar na inaayos, pinapaganda at pinapalawak. Tulad na lang nung pagdugtungin nila ating MRT at LRT sa monumento. Kung minsan kasi, ang pagbabago ay napakahirap simulan o gawin dahil maraming maapektuhan sa hakbang natin na iyon. Kung isasaayos mo kunwari ang daanan na isang kalsada, dapat lang na hindi mo ito muna padaanan hanggang sa maisaayos na. Ang epekto ay magiging napakalaki dahil magdudulot ito ng trapik at pagkairita sa mga dumadaan dito. Kung gusto mong sunduin ang anak mong dalaga galing school araw-araw para masigurong wala siyang magiging boyfriend, magsasakripisyo ka ng oras para masundo pa siya. Oo’t maaabala tayo saglit, ngunit para sa huli’t huli, tayo rin ang makikinabang dito.
Alam niyo bang napapalibutan tayo ng ganitong bagay? Tulad na lang ng mga sumusunod na mga tao na nakakabilib dahil ginagawa nila ng tama ang kanilang trabaho.
- Mas nakakabilib ang guard na mahigpit at walang palya na tumitingin sa bag at kumakapkap kahit mahaba na ang pila kesa dun sa guard na walang pakialam kung ano man ang laman o dala ng taong papasok sa kanilang establisyimento.
- Mas nakakabilib yung Janitor na magalang kang papalipatin ng pwesto o ipapataas ang paa mo para malinisan niya ng maige ang lugar na iyon kesa dun sa lalaktawan ka na lang dahil ayaw niyang maistorbo ka.
- Mas nakakabilib yung teller sa MRT at Coastal road at iba pa na nagpapatupad ng exact toll o fare only na hindi ka pabibilihin pag hindi sakto ang pera mo o kaya’y hindi ka na lang nila susuklian para maging patas sa lahat at para mapanatili ang kanilang mabilis at tuloy-tuloy na serbisyo.
- Mas nakakabilib yung cashier sa National bookstore na nanunukli ng tigsisingko at diyes para mabigyan ka nila ng saktong sukli.
- Mas nakakabilib yung mga gasoline boy na hindi umaangal kung may magpapalagay ng tubig sa radiator kahit na mahaba ang pila para na mapanatiling maayos ang makina ng kostumer nila.
- Mas nakakabilib yung mga kartero sa manila na ang libangan ay paglalaro ng Darts at hindi ang pagbulatlat sa mga sulat at package ng mga tao.
- Mas nakakabilib ang mga nagtitinda ng kendi at yosi sa kalye kahit tig sisingkwenta sentimo lang ang tubo nila kada stick kapalit ng pagbilad sa init ng araw kesa sa mga holdaper na ubod ng sipag sa gabi.
- Mas nakakabilib yung mga nagpropromote ng ng produkto sa SM na buong araw nagsasalita at tumatawag ng mam sir mam sir kahit na hindi sila pinapansin ng mga taong dumadaan.
- Mas nakakabilib yung mga jeepney driver na walang pakialam kahit tumutuktok na ng napakalakas ang pasahero hangga’t wala pa sa tamang daanan kesa dun sa isang tuktok lang e titigil na agad kahit nasa gitna pa siya ng crossing.
- Mas nakakabilib ang mga baguhang nurse sa probinsya na tinitiis ang paunang bayad na walong libong piso sa mga lokal na hospital kesa sa mga nurse na pinili magtrabaho sa Jollibee para kumita ng mas malaki.
- Mas nakakabilib ang mga nagtitinda ng kwek-kwek at isaw na hindi namumulot at nagrerecycle ng stick na pantuhog para mapanatiling malinis at ligtas kainin ang tinda nila.
- Mas nakakabilib yung mga secretary sa mga lokal na school na inaasikaso ang kailangang papeles ng mga studyante sa pinakamabilis na panahon kesa sa mga secretary UP educ na sobrang bagal ang serbisyo at tila hindi nililingap ang kanilang mga estudyante.
- Mas nakakabilib yung presidenteng napagtulungang mapatalsik na madaming magawa kesa sa presidenteng nakatapos ng termino na walang kaunlarang naidulot.
- Mas nakakabilib ang mga pulis na payat kesa sa mga pulis na parang buntis.
- Mas nakakabilib ang mga taong baon sa utang na pilit na nagbabayad paunti-unti kesa sa mga taong tinatakasan na lang ito sa pamamagitan ng pagtatago at pagpapakamatay.
- Mas nakakabilib ang mga kabataang nakabuntis na pinanagutan ang kanilang girlfriend at anak kahit wala pa silang kakakayahang mabuhay ito ng marangal kesa sa kabataang pipiliing ilaglag ang anak para mapanatili ang karangalan nila.
- Mas nakakabilib ang pilipinong killer na nagbagong buhay na kesa sa pilipinong mabait kunwari ngunit palihim namang nangpapadukot at nangpapapatay ng midya at mamamayan.
Napakarami pang dapat kabiliban sa ating kapaligiran pero minsan, dahil sa ating yabang at agarang pagbibigay ng kritisismo sa isang sistema o taong nakakadulot sa atin ng abala, hindi natin sila makita. May mga taong gustong magsimula ng pagbabago. Hindi nga lang nila minsan iyon maipagpatuloy dahil napanghihinaan sila ng loob sa mga komento ng naaabala. Kaya, kung gusto nating simulan ang pagsasaayos at pagpapagawa, ipamukha at ipaalala muna natin sa kanila na ating gagawing Pansamantalang abala, ang kapalit ay pangmatagalang ginhawa.



Minsan sa klase namin, tinanong ng prof yung kaklase naming Persian kung alin ang mas pipiliin niya na iha-hire sa trabaho. Kung yung may 10 years Experience ba o yung matataas ang grade sa school. Nagulat kaming lahat sa sagot niya. Hindi dahil mali ang sagot niya kundi dahil alam niya ang Recto na lungga ng mga pekeng dokumento. Mas pipiliin daw niya ang may experience na 10 years dahil pwede daw magpagawa ng grades. Tama ang sagot, pero hindi niya na kuha yung gustong ipapoint out sa kanya.
Nakapunta ka na ba sa ibang bansa? May Recto din ba sila doon?
Mainit ang usapan ngayon sa korupsyon sa ating bansa. Ika nga ng isang slogan ng isang kandidato sa pagkapangulo, “Pag walang korup, walang mahirap”. Ang korupsyon ay isang klase ng daya. Kasama ba sa kurikulum ng ating paaralan kung paano maging korup? Parang napakadami kasi nilang mahuhusay sa subject na ito. Sana naman walang Master degree in Corruption na inooffer sa mga unibersidad natin.
May ginawang paraan ang gobyerno natin para linisin at maiwasan ang korupsyon sa bansa. Ang Philippine Anti-graft Commission.
Pero sapat na ba yun? Lilinisin lang ba natin sila kung kelan ubod na sila ng dumi. Pwede namang maiwasan yan diba? Ika nga e prevention is better than cure. Pero hindi lang korupsyon ang dapat nating tanggalin kundi ang pinagmulan nito. ang DAYA. Oo, at ito rin ang isang tagong paraan para iangat ang antas ng edukasyon sa pilipinas.
Kung babalikan natin ang Iskul bukol nina TVJ, makikita natin ang mga kalokohang kanilang ginagawa tuwing may pagsusulit. andyan na magpapalaman siya ng kodiko sa sandwich, ilalagay sa medyas, atbp. Kung masasanay ang studyante sa pandaraya, sa tingin niyo ba mapapaghusay nila ang kanilang pagaaral? Magiging tapat na empleyado o empleyo ba sila sa hinharap? Mayroon tayong tinatawag na oral recitation na hindi ginawa para malaman ang may pinakamagandang boses sa klase o kung sino ang pinaka-kabado, kundi , para malaman kung sino ang mga nakaintindi sa pinagaralan.
Ito ang ilan sa mga listahan ng pandaraya na ginagawa sa school na sa tingin ko ay pwedeng pagmulan. Sana ay basahin ito ng Teacher at Professor sa Buong pilipinas. Kung sakaling mabasa mo ito, pakikopya na lang at ibigay sa kakilala mong Guro.
* Kodiko
- Kadalang sinusulat sa isang maliit na papel na puwedeng ibulsa at madaling maitago
- kung sa bondpaper kayo nagsasagot ng exam, sa bond paper na din nila sinusulat ang kanilang kodiko at nilalagay sa last page para hindi halata. Nanakawan na lang nila yun ng sulyap at hindi mo talaga mahahalata.
- Minsan pinapa-accetate na ngayon ang kodiko at pinapa-reduce ang size. Medyo magastos pero, madali daw nila ito matago dahil clear ito.
- Iniisteypler nila ang kanilang kodiko sa loob ng laylayan ng kanilang damit.
- Gumagamit ng cellphone at I-touch o Calculator na programmable.
- Sinusulat sa Palad at ibang parte ng katawan.
- Icheck ang loob ng calculator.
- Nirerecord ang boses sa recorder tas iple-play nila sa kanilang mp3 player habang suot ang earphone na akala mo ay rock n’ roll ang pinapakinggan.
- Sinusulat ang word na mahirap i-spelling sa desk nila o sa likod ng upuan ng kaklase nila na nasa kanilang harap.
- Katabi o malapit lang sa kanila ang bag kaya madali nilang mabubuklat ang kanilang lecture notes at makapandaya.
- Nagbubulungan.
- Nagpapasahan ng papel. Puwedeng i abot, pwedeng ipaabot at puwede ring ibato.
- Kukuha lang daw ng bond paper sa bag tapos sisilip na din pala. Pag nakalimutan niya ulit yung sagot, kukuha daw muna siya ng ballpen niya dahil naubusan siya ng tinta, magbubuklat lang pala.
- Nilalagay ang sagot sa CR. Magpapaalam kung pwedeng mag CR muna saglit dahil puputok na kunyari ang pantog niya.
- Nangongolekta ng mga Exam ng mga tamad na Professor na ayaw gumawa ng bagong exam. Yun at yun lang din ang binibigay niya sa lahat ng studyante niya.
- Naninilip ng sagot sa pamamagitan sa pagtago sa ulo ng taong nasa harapan nila.
- Gumagamit ng sign language o ng hand at sound signal. “Pag kinindatan kita, true yun, pag hindi, false yun”
- Magpapalate sa exam para makakuha ng tip kung anong lalabas na tanong sa exam.
Solusyon:
- Bawal ang late sa exam
- atleast 3 magkakaibang set ang quiz o exam
- Iarrange sila na parang brick, para hindi sila makakatago sa nasa harap nila or kahit alternate.
- gumawa lagi ng bagong exam. Kung multiple choice, I reaarrange.
- Mag CR na sila bago mag exam at ipagbawal ang paglabas.
- Ipalagay sa harap ang gamit at bawal silang humawak dun hangga’t hndi sila tapos.
- I-check ang kanilang desk at likod ng upuan.
- bawal gumamit ng MP3 player, cellphone atbp. pang katulad nito.
- Icheck ang bulsa at laylayan ng damit.
- Mag lagay ng hidden cam.
- Bawal makipagusap sa katabi.
- I-apply na mahigpit na bagsak na agad sila pag nahuling nandaraya.
- Wag lalabas ang prof at dapat na magbantay lang. Wag sabayan ng Pagchecheck ng papers o iba pa na makakaapekto sa kanilang pagbabantay.
- Dapat rumoronda ang prof dahil yung mga nakapwesto sa likod ay makakapandaya ng hindi mo mahahalata.
Napakadaming paraan para maiwasan ang Pandadaya ng mga studyante. Kung mga studyante nga sa school ay hindi maturuan ng pagsisikap at pagiging tapat, paano pa kaya ang mga may kapangyarihan na ngayon. Baguhin natin ang sistema sa pagbabantay sa exam. Minsan, kailangan ng unting higpit para maituwid ang isang balikong bagay. Wag hayaan ng prof na bigyan ng tyansa na makapandaya ang studyante nya. Dapat Ikondisyon na natin sila na hindi talaga sila makakapandaya kaya mas mabuti pang magaral na silang maige. Ang guro ang maghuhubog ng edukasyon ng kabataan. Kung meron mang isang tao na dapat na hindi magkulang sa pagpapatupad ng sistema, sila yun.
-metaporista


SocialVibe