Mga Bagong Batas sa mga Computer Shop sa Buong Pilipinas:


1. Hindi ipinagbabawal ang pagtatayo ng computer shop sa tabi o paligid ng mga eskwelahan. Pero mahigpit na ipinagbabawal ang paglalagay ng mga laro tulad ng DOTA, SF, CF, CS at ibang pang mga Online games na kinahuhumalingan ng mga kabataan.

Sa UP diliman, ang mga computer shops sa SC at sa ISKO ay magagamit lamang pang type at pang surf sa net. Kaya kung isa ka sa mga estudyante dito at nangangati na ang kamay mong maka-beyond godlike ay kailangan mo pang pumunta sa Philcoa para lamang makamot mo ang iyong kamay.

(+) —-> Tatamarin ka ng bumiyahe dahil gagastos ka rin pa ng extra para sa pamasahe. Mag aaral ka na lang ng mag aaral o mag jojogging ka na lang. Well, mas magiging produktibo naman ang buhay mo kesa sayangin mo ang allowance at oras mo sa paglalaro ng 4 na oras na straight.

(-) —- > Libong estudyante ang magwewelga. Kung hindi umepek ang pagwewelga nila, gagawa sila ng paraan tulad ng pagdadala ng Flash drive para makapaginstall ng laro. Pero hindi pa rin sila papayagan dahil sa pangalawang batas.

2. Ang computer shop na mahulihan na may naka-install na laro o mga estudyanteng nag-install ng laro na mga nabanggit ay magmumulta sa 1st offense ng P300,000, 2nd offense P500,000, 3rd Offense P1,000,000 at pagtanggal ng permit sa mga establisyimento.

Oo, alam namin na malulugi ang mga may ari ng computer shops. Pero mas maraming maluluging mga bata kapag hindi kayo umayos. Kayo pera lang ang mababawas sa inyo, sila pera, talino at oras ang makakain sa kanila.

3. Papayagan lamang ang mga computer shop na makapag-install ng games na mga nabanggit kung walang school na nakapaligid sa kanila within 400m radius.

Layunin ng batas na ito na malayo ang mga kabataan sa pagkaadik sa computer games dahil ang lubusang pag-kaadik dito ay magdudulot ng pagkababa sa kanilang mga grado. Kung ang kalidad ng mga estudyante sa pilipinas ay mababa, mababa rin ang magiging kalidad ng kanilang mga trabaho.

Kung 400m kalayo sa iyo ang laruan ng computer willing ka bang maglakad(para sa mga walang kaya) para lang makapag-ranggo sa SF? Gagastos ka ba ng 6 pesos (para sa may kaya)? (Para sa mga mayayaman, Oo wala kayong limitasyon. Makakapaglaro kayo hanggang sa gusto niyo dahil ano ba naman ang 6 pesos para sa inyo. At malamang sa malamang, ok lang din naman sayo na ikaw ang pinakamababa ang grade sa klase niyo)

4. Ang mga Computer shop ay magbibigay ng 20% na diskwento sa first hour ng kanilang pagrenta at 15% naman na diskwento pag lumagpas sa isang oras. May 10% discount naman sa iba pang serbisyo tulad ng printing at scanning. Ang printing ng black sa short bond ay di lalagpas ng 3 piso ang singil. Ang printing ng colored font o pic sa short bond ay hindi lalagpas ng 15 pesos ang singil. Ang maningil ng labis sa nasabing halaga ay agad na tatanggalan ng permit pag napatunayan.

May mga proyekto minsan ang mga bata na kailangan gumastos ng papel tulad ng essay writing at mga research. Kung ang singil sa iyo sa black print per page ay 5 pesos, gaganahan ka bang pahabain at gandahan ang papers mo? Kung siningil ka ng 40 pesos para sa  pinaghirapan mong idesign na front page na colored, gaganahan ka pa bang ibuhos ang idea at galing mo? Kung 20 pesos lang ang binigay sayo ng nanay mo panggawa ng homework na computerized magkakasya ba ito? Malamang kung anong unang lumabas sa google yun na agad yun. Hindi magiging intensive ang magiging resulta ng research nila dahil sa singil na hindi naman talaga nila abot-kaya.

Para sa ilang computer shop, hindi kailangang nakabukas ang aircon ng computer shop niyo buong araw kahit 3/10 lang ang nakaupo dito. Sapat na na walang tumutulong pawis sa aming mga leeg habang kami’y dumudutdot ng key board. Ang kuryenteng inyo sanang babayaran ay ibawas niyo na lang sa aming rerentahan.

5. Lahat ng computer sa computer shop ay kailangang may tig-iisang headset. Mahigpit na ipinagbabawal ang pag-gamit ng speakers. Dapat rin na may naka-install na Microsoft or Open office, Adobe Photoshop, PDF at Auto Cad.

Isipin niyo naman na hindi lahat ng nasa computer shop ay naglalaro. Makakapagconcentrate ka ba sa pag-gawa ng iyong reflection tungkol sa nabasa mong libro kung ang katabi mo ay nagpapatugtog ng playlist ng KORN at iba pang heavy metal? o kaya ang malalakas na putok ng baril?

6. Mahigpit na ipinagbabawal ang pagbibigay ng dirty promo sa mga computer shop na pinapayagang mag-install ng games tulad ng “99 pesos only if you play 10 straight hours” , “10 pesos per hour rate during midnight  until 5am” , “Play 3 hours every day for 1 week and you’ll receive free umbrella” at iba pa.

Ito ang nagiging dahilan sa iba kung bakit sila naaadik. Akala nila ay nakatipid sila ng malaki kapag pinatos nila ang promo na ito. Kaya imbis na 2 hours ka lang sana maglalaro tuwing sabado ay papatusin mo na ang 99 pesos nila. Imbis na natutulog ka na ng mahimbing sa gabi ay gigising ka ng alas dose para makatipid. Yan tuloy laging late pag pumapasok sa school o laging inaantok.

7. Bawal ang mga naka suot ng school uniform sa mga computer shop na pwedeng mag lagay ng games

Atleast alam man lang ng magulang ng mga highschool student na galing na sila ng kani-kanilang bahay dahil nakapagbihis na sila ng kani-kanilang damit. Malamang sa malamang ay magbabaon na sila ng kani-kanilang damit sa school pa lang para diretso na. Pero magsasawa rin sila dahil malamang ay magpapalit din sila ulit ng kanilang school uniform bago sila umuwi. Kung hindi, mahuhuli sila ng kani-kanilang mga magulang.

8. Bawal na ang slow na taga-bantay ng comp shop

Merong kasing ibang taga-bantay na hindi man lang marunong gawing landscape ang portrait. 3 times 7 kina-calculator pa.  Pag nagpa-in ka sa computer number 11, computer number 2 yung bubuksan. Tatanggap ng printing at isasalpak pa niya ang Flash drive mo sa USB tapos kokopyahin pa yung files mo sa desktop tsaka sasabihin “Ay wala na nga pala kaming colored..”. Sana man lang pag ka abot ng USB tinatanong na agad kung colored ba o hindi.

Ito ang mga bagong batas sa Pilipinas para sa mga Computer shops pag ako ang magiging driver ni P-noy.

– Metaporista

About these ads