You are currently browsing the monthly archive for Agosto 2010.
Testi ko
Naalala mo pa yung isang testi ko sa iyo?
Na sabi kong i-approve mo..
Pag handa na ang mga tao na tanggapin,
ang ating isang malinis na sikreto..
Siguro nalimutan mo na?
Dahil FB na ngayon ang nangunguna..
Wala ng oras para balikan..
para tingnan at sulyapan,
ang matatamis na hakbang na ating sinimulan..
Bakit ko pa nga ba gusto na iyong balikan?
E andun ang iyong nakaraan at ako’y masasaktan lang..
Dahil siguro’y natanggap ko na naman..
Mga panahong kinikilig ka pa, sa inyong mga munting kwentuhan..
Kung pait man ang natikman mo sa akin ngayon,
at tamis ang nadanasan mo sa kanya noon,
Wala akong magagawa dahil inipit ako ng panahon.
Gustuhin ko mang pangunahan ay di pa rin masimulan,
dahil ang istrikto nilang isip ay walang mauunawaan.
Naalala mo na ba ang isang testi ko sayo noon?
Magbilang ka ng taon, sigurado, maaapruban mo na rin iyon..
Wag kang magtaka kung ba’t ambagal ng panahon..
Hawak kasi nila ang oras at pinababagal nila iyon..
Walang hanggang ekstensyon,
kahit alam na nilang mayroon ng direksyon..
Wag kang mag-alala,
tititigan ko na lang sila.
Alam ko wala akong mata,
kaya pikit na lang akong tatanga.
Mag-aantay na ang aking testi,
Maapruban at mapanindigan mo na.
–Metaporista
“Limot… Limot.. Tige na.. Pahingi akong Limot..”– Cecilio Sasuman (Michael V.)
“Pakapakapakapak…” sabi ng Armalite sa bintana ng bus na warak.
“Mga bobong mga pulis!” sabi ng lahat ng tao sa mundo, maliban sa mga pulis.
“Pahamak ang media!” sabi ng mga pulis na nanugis.
“Good Job..” sabi ng demonyong humahalakhak sa papag.
Lumipas ang mga araw at tiningnan kong maige kung sino ba ang dapat sisihin sa nangyari. Ang demonyo ba nga ba na nagpapadilim sa isip ng mga tao? Ang media nga ba na gustong makakuha ng magandang scoop? Ang mga pulis nga ba na nagbato ng smoke grenade na walang suot na gas mask? O walang iba kundi ang taong nakaimbento ng baril?
Tinitigan ko sila. Naluluha. “Bakit kami ang sinisisi nyo?” sabi sa isip nila. Ayaw man nilang ibuntong sa iba ang dahilan ay kailangan nila itong gawin dahil napakabigat na responsibilidad ang kanilang haharapin.
Mahiwaga. Nakakabigla. “Hindi kami handa..” sambit ng kanilang isip sa nangyaring sakuna. Sana ikaw na lang ang nasa lagay nila nung nangyari ang drama, para maramdaman mo ang pakiramdam na tawagin kang bobo at tanga ng mga tao sa planeta mong tinitirahan.
Walang dapat sisihin, kundi ang buong sambayanang pilipino. “Wala akong kinalaman!!” maaaring isagot mo. Siguro nga sa pagkamatay ng mga hostage ay malinis ang kamay mo pero isa ka, oo isa ka, isa ka sa milyong pilipino na nasanay at nagsambit ng salitang “Pwede na yan”. Ito ang salitang pumatay sa kanila. Walang iba.
Ang mahirap sa ating karamihang mga pinoy, basta alam na natin ang ating dapat gawin ay ok na. Kung tumatakbo naman ng nasa ayos ang sistema ayon sa nakasanayan mong paraan, ok na. Pwede na. Kuntento na tayo agad! Yun ang problema! Madali tayong makuntento!
Pulis: Kuntento na sa kanilang practice na tatakbo at gagapang sa putik at kaunting target shooting ng baril. Basta makatama lang sila ng asintado sa kartong hugis tao ok na. Hindi laging sa loob ng establisyimento ang hostage. Pwedeng sa bus, sa tren, sa eroplano, sa barko at iba pa. Wag po kayong makunteto sa nalalaman nyo ngayon. Ang pag-aaral sa buhay ay walang katapusan tandaan nyo. Kailangan laging may improvement. Wag tayong papayag na ma-istak sa kung ano lang ang alam natin. Isa pa, dapat ay mag-expect ng mga bagay na unexpected. Expect the worst lagi.
Media: Hindi lang pwede na yung basta mahatid nyo lang ang maiinit na balita sa amin. Hindi lang dapat sa galing nyo sa paghahatid ng balita kayo mag-pokus kundi pati ang pagbabalita sa akmang sitwasyon. Kung nagbabasa lang kayo ng mga libro at articles para sa mga media malalaman nyo sana kung ano ba ang dapat na ginawa niyo. Try to improve lagi at magdiscover ng mga bagong bagay. Walang katapusang improvement dapat. Napakalaki ng impluwensiya niyo sa buhay ng tao. Parte na kayo ng buhay namin e. Oo nakakatuwa yung hologram effect nyo sa pagbabalita pero mas nakakatuwa kung walang mamamatay dahil sa inyo.
Trabahador: Oo, hindi obligasyon ng Employer na payamanin ang employee. Ang obligasyon ng employer ay mag-hire ng magagaling na tao para yumaman lalo ang sarili niya. Pero hindi yun sapat na dahilan para pumetiks sa trabaho mo. “Miss secretary mali yung spelling mo ng name ng client..” sasagot “Pwede na yan.. magkatunog naman e..”. “Boy, pakipunasan mo ng tuyong basahan ang sahig pag-mop mo ha..” sasagot “Mam pwede na yan kahit di ko na punasan.. Matutuyo rin naman yan..”
Estudyante: “Pare mali-mali yung explanation mo sa essay na ito..” sabi ng lalaki sa classmate niya. Sumagot naman na “Pwede na yan.. di naman yan binabasa lahat ni sir e..” Panahon na ng exam at kailangan nya magsolve ng 5 problems per day para makapagreview maige. Pag niyaya ng kaibigan nya uminom “Pwede na yan kahit 1 lang sagutan ko ngayon.. Halos parehas lang naman yan..”
Nanay: Ibang kulay ng sinulid ang ginamit na pantahi sa uniform ni JR. “Pwede na yan.. ang mahalaga hindi na kita ang Ma-bacon mong brief pagnaglalaro kayo ng habulan..”
Wag tayong makuntento kung anong meron tayo ngayon. Humanap pa tayo ng mga paraan na mas maganda, mas maayos, mas mabilis at lahat pa ng positibong mas.
Kung ang mga tao noong una ay nakuntento na sa kalesa at balsa, wala sanang Jeep ngayon na bumibirit tuwing umaga.
Itaas natin ulit ang kalidad ng produkto at serbisyo ng pilipino. Magtulong-tulong tayong tanggalin ang putik na nasa mukha ng pilipinas na ipinahid ni Mendoza. Ipakita natin sa kanila na kung magkakalat man tayo, marunong pa rin tayong magligpit.
–Metaporista
ABCD– Apat sa mga paunang letra na ating natutuhang kabisaduhin noong tayo’y humakbang tungo sa pagkatuto ng pagbabasa..
Nakakatuwa, dahil ang una nating natutuhang mga letra ang magiging gabay natin sa pag-unlad..
Oo.. Hindi lang sila ginagamit sa exam na pang-multiple choice kundi para gabayan at madaling maalala ng tao ang natatanging sikreto..
A= Ability
B= Break
C= Courage
D= Discipline
Gusto mong umunlad? Aba’y simulan mo ng kabisaduhin ang katumbas ng ABCD na ito..
Dapat ay kakakitaan ng ABCD ang sarili mo. Subukan nating himayin kung isa ang mawawala dito..
BCD lang ang meron ka– May break ka, may courage ka, may discipline ka
PERO wala kang abilidad.. Kahit anong gawin mong pagpupumilit, kung wala kang abilidad talaga para magawa ang isang bagay, wala ka talagang magagawa. . Kumbaga sa Singer na sabog ang boses, “mag-trumphet ka na lang”
ACD lang ang meron ka– May Ability ka, may courage ka, may discipline ka
PERO wala kang break.. Sayang ang ACD mo pag wala kang Break.. Break as in chance para maipakita mo ang iyong kakayahan. Maabilidad ka nga, di ka naman nag-aapply ng trabaho o nagtatayo ng negosyo, magagamit mo ba ang talino mo? Paano nila malalaman ang natatangi mong abilidad sa management kung sa Farmville mo lang ginagamit ang talent mo? Minsan-minsan ang Break ang kusang lumalapit sa atin. PERO ang nararapat at ang kadalasan, tayo ang dapat maghanap ng Break natin. Alam mo naman palang magaling kang kumanta, pag may pacontest, sumali ka. Wag mong antaying madiscover ka pa ng mga germs sa banyo mo tuwing kinakanta mo ang Faithfully sa banyo.
ABD lang ang meron ka– Meron kang abilidad, meron kang break, meron kang discipline
PERO wala kang courage.. Sabihin na nating ubod ng talino mo, boss ang tatay mo ng pribadong hospital na pwede kang bigyan ng malaking break at disiplinado ka.. PERO takot kang manggamot dahil takot kang magkamali sa pag-oopera ng tao at pagrereseta ng gamot, sa tingin mo uunlad ka? Kung takot kang pumiyok sa singing contest, makakasali ka ba? Kung takot kang mamamatay sa pagka-crash ng eroplano, di mo na ba itutuloy ang iyong pagpipiloto? Tanggalin natin ang daga sa dibdib. Ika nga ng nanay ko “Kung kaya nila, kaya ko rin!”. Ika naman ni Boy Condom “Think positive! Wag kang aayaw!”.
ABC lang ang meron ka– May abilidad ka, may Break, may Courage
PERO wala kang disiplina.. Matangkad ka at malapad ang iyong katawan, shooter ka sa tres tulad ni Reggie Miller, Kung dumakdak ka pa kawangis mo si Harper. Nakapasok ka sa PBA na isang malaking break. Buong-buo ang iyong loob tulad ni Pacman. PERO nung nakatikim ka na ng pera, dangal at dalaga, nalimutan mo na ang lahat pati ang iyong disiplina. Tumikim ka ng droga, inalipusta mo na ang iyong ina, sinumbatan ang iyong asawa at nanggulpi ka pa ng tuta. Sa umaga, imbis na mag-jogging wala kang ginawa kundi magpa-banjing-banjing. Sa praktis, imbis na magpapawis nagtatago ka sa sulok tas nagpapahid na lang ng langis. Ang disiplinang pang apat na susi sa kaunlaran ay tuluyan mo ng inalis. Inihasik, itinapon at iyo pang winalis. Parang estudyanteng gustong pumasa ng exam, nangakong di na mag-dodota magpakailanman, pero isang tawag lang ng kaibigan, sasama ka nanaman.
ABCD– May abilidad ka, may break ka, may courage ka at may discipline pa
Tiyak, wala ng hahanapin pa.
Ang pinakamauunlad na tao ay mga taong ordinaryo, pero may extra-ordinaryong determinasyon.
(Inspired by Engr. Umali, President of Trans-Asia.. kaninang hapon)
–Metaporista
Kasabihan Tungkol sa Oras
Mabuti pa ang sirang orasan, tumatama ng 2 beses sa isang araw kesa sa orasang gumagana pero mali naman ang set ng oras. –Basta taga-BTS
Ang mga lalaki ay naghahanap ng panahon para pumatay ng oras, habang ang oras ay tahimik silang pinapatay –Dion Boucicault
Marahil ay binabalaan ka na na wag mong hayaang dumulas sa iyo ang gintong oras; Pero ang mga gintong iyon ay nagiging ginto lamang dahil hinayaan natin itong dumulas lang — James Matthew Barr
Ang oras ay parang hangin. Dinadala ang magaang, at iniiwan ang mabigat. –Domenico Cieri Estrada
May isang uri ng magnanakaw na hindi pinaparusahan ng batas, ito rin ang magnanakaw na nagnanakaw ng pinaka-mahalagang bagay sa tao : Oras –Napoleon I, Maxims, 1815
Kung gaano katagal ang minuto ay depende kung nasaang parte ka ng pinto ng banyo –Zall’s Second Law
Ang oras ang pinakamahusay na taga-pagbigay ng payo sa lahat –Pericles
Ang oras ang pinakamalayong distansiya sa pagitan ng dalawang lugar –Tennessee Williams
Ang pagsisisi sa nasayang na oras ay higit na makakasayang ng oras –Mason Cooley
Ang oras ay isang pandikit sa pusong nabiyak, ngunit ang pag-ibig na nasa hangin ang nagpapatuyo sa pandikit —J. Franklin
Ang oras at panahon.katulad ng tubig sa ilog na walang humpay sa pag agos.laging may takda kung hanggang saan lang tayo makakasabay kaya dapat,gawing makulay ang limitadong pagkakataon na iyon. –Duking
———————————————————————
————————————————
————————
———–
—
-
Pasensiya na kayo sa aking pagsasalin ng mga kasabihang ito sa tagalog ha..
Naisip ko lang bigla kung gaano ba talaga kahalaga ang oras sa buhay ng isang tao lalo na kung marami kang deadline na hinahabol. Hindi ko alam kung uunahin ko ba munang mag-laba ng damit na 3 linggo ng nakatambak dahil sa ngayon ay 3 na lang ang natitirang damit sa cabinet ko o uunahin ko ba munang maghugas ng pinggan kong 3 linggo ng iniipis at 1 linggo ng dinadaga.
Kung minsan nakakapagsisi kung bakit ka ba pinanganak sa mundo lalo na pag puros pait na lang natitikman mo palagi. Pero hindi ko naman sinisisi ang oras kung bakit ako agad nabuhay noong 22 years ago kahit na hindi pa uso ang digicam, panahon na sipa lang at habulan ang libangan at panahon na mabibili lang ang shampoo sa piling tindahan.. Dahil kung pinahirapan man ako ng oras nitong mga nagdaan, wala akong maisusumbat dahil nakilala ko siya na pinagkatiwala niya sa aking ng lubusan.. Wala ng dahilan para mangarap pa akong maging totoo si doraemon dahil hindi ko na kailangan ang kanyang time machine. Dahil kung ako ang papipiliin, ang buhay ko pa ring ito ang aking dadamputin.. kahit kung minsan ay puno ng dilim at kahit ang ilang mga pangarap ay hindi ko na marating.. Dahil sa kanya, di ko na kailangang antayin pang maimbento ng isang baliw na tao ang time machine.
–Metaporista
Boyet, anak, gising na.. Baka maunahan ka ng truck ng basura.. Ibili mo ng pandesal tong 3 piso ko, tig-iisa tayo ng tatay mo..
Nay ito na po yung pandesal.. Nakain ko na po yung sakin habang naglalakad pauwi.. Nalinis ko na po yung gitara at ampli ni tatay.. Babalik na lang po ako maya-maya pagkabenta ko po ng mga makukuha ko ngayon.. Ibibili ko narin po ng gamot si itay pag makaka 15 pesos po ako..
Darling, pakibangon mo nga ako.. Si boyet nasan? Samahan mo na ako sa kanto at sisikat na ang araw.. Lunes ngayon kaya siguradong maraming magdaraan dun ng umaga.. Sana maka 10 pesos ako bago mag alas-8 para makabili siya ng materyales para sa proyekto nila sa iskul.. Sayang naman kung hindi siya makakapagpasa.. Paki tabi na lang yung pandesal ko.. Malamig ang hangin.. Baka may bagyong paparating.. Ipabaon mo na lang kay boyet para siguradong makakain siya mamayang tanghalian..
——————-
Mommy look! He’s playing a guitar like kuya oh.. Ma, pahingi ng barya mo ilalagay ko sa plastik na bote nya.. Sige na ako na maglalagay.. Please..
Naku wala akong barya(kahit nagkakalansingan na ito sa bulsa niya), next time na lang anak.. I’ll buy a pack of cigarettes pa for your dad e.. Come on, lakad na, promise next time.. Come on lets go na anak.. O, ito piso put it there na so we can go na..
——————–
Alas-8 na ata.. Nakaka-3 piso pa lang ako.. Parating na siguro si boyet ko..
Tay! Answerte ko! saktong 15 pesos po ang napa-kilo ko sa junk shop.. Ito na po ang gamot niyo.. Nanghiram na po ako ng payong sa kapit-bahay natin baka ho kasi ulanin kayo dito mamaya..
Anak pasensiya ka na.. Nakaka-3 piso pa lang ang ako.. Kulang pa ang pera ko pambili ng materyales na kailangan mo..
Tay, ayos lang po iyon.. Sa susunod na lang po siguro.. Itago niyo na lang po iyan tay para ho sa pandesal natin bukas.. Papasok na po ako..
——————
Tutugtog akong magdamag..
Tutugtog ako hangga’t kaya ko..
Ikaubos man ng aking laway..
Ikapudpod man ng aking kamay..
Pasensya na boyet ko..
Hindi pinag-kalooban ng paningin ang tatay mo..
Ito lang ang kaya kong gawin..
Para tayong tatlo’y patuloy na may makain..
Sa bawat hipan sa aking harmonica..
Sa bawat tipak sa aking gitara..
Kayong dalawa ng iyong Ina ay aking naaalala..
Ang mga panlalait ng iba sa akin..
Ang mga tawa nilang walang paninimdim..
Wag mo na sanang patulan at pansinin..
May araw rin na darating..
Na ako’y kanilang hahanap-hanapin..
Pag sila’y nakadama ng bagabag tulad ng sa atin..
–Metaporista
Alam niyo ba na ang bilang ng buhok ng isang mais ay equal sa bilang ng buto nito?
Subukan niyo bilangin para mapatunayan niyo sa inyong sarili. Basta ako sinasabi kong totoo yun. 1 istu 1 talaga sila.
Alam niyo rin ba na ang mais ay isang uri ng damo?
Kaya siguro merong masamang damo ay dahil merong mabuting damo.
Ang mais ay dilaw. Ang dilaw ay si P-noy. Ang mais ay mabuting damo. Mabuti dahil may pakinabang ito at hindi nabuhay para lang manguha ng sustansiya sa lupa na sana’y mapupunta sa ibang halaman na mapapakinabangan ng tao. Mga damong pawang lupa rin o kambing o kalabaw o baka lang ang makikinabang. Ang mais ay hindi nagiisa. Binubuo ito ng maraming butil na nagbibigay ng maraming oportunidad na makatikim ng mais. Puwedeng ang mga butil na ito ay kainin ng tao o pwede rin nilang itanim para magbunga ito ng iba pang mais. Ang maganda sa mais, nabibigyan nya ang mga tao ng pag-asa na makatikim ng tamis at sarap. Pag-asa na unti-unting nawawala sa mga pilipino. Para magbunga ang puno ng mais nating pilipino, suportahan natin siya sa pamamagitan ng pagdilig at pagbigay ng kanyang kailangan para sa ganun ay magkaroon siya ng kakayahan para maibigay sa bawat 1 pilipino ang ating kailangan. Ibigay mo kung anong dapat mong ibigay sa Puno ng mais at malamang, tayo rin naman ang makikinabang. Yun ay kung ang Puno ng mais na ating inaalagaan ay patuloy na magbubunga at hindi ningas-kugon lang.
–Metaporista
Isang mahiwagang tanong, mamamatay ba talaga ang lovebirds pag nawala o namatay ang kapares nito?
Isang maliit na parrot, makulay, loyal– yan ang deskripsyon ng bawat taong makakakita nito. Hindi mo raw sila pwedeng bilhin ng solo kundi dapat laging mag kapares para hindi raw ma-stress at magpakamatay. Nasa 1k peso daw ang halaga nila. Ang LB daw ay loyal sa kanyang mate, as in pako na siya sa kalaguyo nya. Walang bawian, walang lokohan at pawang kamatayan na lang ang makakapaghiwalay sa kanila. Hindi lang daw sa mate nya loyal ang LB kundi pati sa nagaalaga daw nito o keeper. Hindi ka raw pwedeng mag-alaga ng LB pag di ka marunong magmahal. Sensitive daw kasi sila.
Gusto kong malaman kung totoo ba talaga lahat ng raw at daw na patungkol sa kanila. Kung kasing yaman lang ako ni Chavit at kasing bangis lang ako ni Hitler, pinag-experimentuhan ko na ang mga LB sa petshops. O kung may nakagawa na ng experimentong ito, pakisabi naman sakin kung ano ang naging resulta.
Oo kahanga-hanga ang LB sa kanilang katapatan pero tandaan mo, tandaan niyo, ibon sila at tao tayo. Hindi porke’t nasawi ka sa pag-ibig o namatay ang pinakamamahal mong kapartner ay magkakaroon ka na ng lisensya para magpakamatay. 1000pesos lang din ba ang katumbas ng buhay mo? Kung oo sige, bilisan mo uminom ka ng 1 litrong bactidol. Sige, iwanan mo ang 4 mong anak at ipasa mo sa 6 years old mong panganay ang responsibilidad mo. Sige, iwanan mo ang nanay at tatay mong nagpapagamot na umaasa lang sa sweldo mo. Sige, iwanan mo ang malaki mong utang sa kapit-bahay mong galing abroad na nagtiis ng 10 taon na mag-isa kahit di niya makapiling ang pamilya niya para lang may maipon at mapang-aral ang kanyang anak. Isa kang duwag. Isang malaking duwag. Kung masawi ka sa pag-ibig, malas mo. Ganun talaga yun minsan. Kung nasawi naman ang iniibig mo, napaaga lang siya kesa sayo pero dadating din naman yun parehas sa inyo. Kung kasing babaw ng LB ang pag-ibig mo, magpakamatay ka na. Iba kasi kaming mga tao kumpara sayo. dali. bilis.
– Metaporista









SocialVibe