“Limot… Limot.. Tige na.. Pahingi akong Limot..”– Cecilio Sasuman (Michael V.)

“Pakapakapakapak…” sabi ng Armalite sa bintana ng bus na warak.

“Mga bobong mga pulis!” sabi ng lahat ng tao sa mundo, maliban sa mga pulis.

“Pahamak ang media!” sabi ng mga pulis na nanugis.

“Good Job..” sabi ng demonyong humahalakhak sa papag.

Lumipas ang mga araw at tiningnan kong maige kung sino ba ang dapat sisihin sa nangyari. Ang demonyo ba nga ba na nagpapadilim sa isip ng mga tao? Ang media nga ba na gustong makakuha ng magandang scoop? Ang mga pulis nga ba na nagbato ng smoke grenade na walang suot na gas mask? O walang iba kundi ang taong nakaimbento ng baril?

Tinitigan ko sila. Naluluha. “Bakit kami ang sinisisi nyo?” sabi sa isip nila. Ayaw man nilang ibuntong sa iba ang dahilan ay kailangan nila itong gawin dahil napakabigat na responsibilidad ang kanilang haharapin.

Mahiwaga. Nakakabigla. “Hindi kami handa..” sambit ng kanilang isip sa nangyaring sakuna. Sana ikaw na lang ang nasa lagay nila nung nangyari ang drama, para maramdaman mo ang pakiramdam na tawagin kang bobo at tanga ng mga tao sa planeta mong tinitirahan.

Walang dapat sisihin, kundi ang buong sambayanang pilipino. “Wala akong kinalaman!!” maaaring isagot mo. Siguro nga sa pagkamatay ng mga hostage ay malinis ang kamay mo pero isa ka, oo isa ka, isa ka sa milyong pilipino na nasanay at nagsambit ng salitang “Pwede na yan”. Ito ang salitang pumatay sa kanila. Walang iba.

Ang mahirap sa ating karamihang mga pinoy, basta alam na natin ang ating dapat gawin ay ok na. Kung tumatakbo naman ng nasa ayos ang sistema ayon sa nakasanayan mong paraan, ok na. Pwede na. Kuntento na tayo agad! Yun ang problema! Madali tayong makuntento!

Pulis: Kuntento na sa kanilang practice na tatakbo at gagapang sa putik at kaunting target shooting ng baril. Basta makatama lang sila ng asintado sa kartong hugis tao ok na. Hindi laging sa loob ng establisyimento ang hostage. Pwedeng sa bus, sa tren, sa eroplano, sa barko at iba pa. Wag po kayong makunteto sa nalalaman nyo ngayon. Ang pag-aaral sa buhay ay walang katapusan tandaan nyo. Kailangan laging may improvement. Wag tayong papayag na ma-istak sa kung ano lang ang alam natin. Isa pa, dapat ay mag-expect ng mga bagay na unexpected. Expect the worst lagi.

Media: Hindi lang  pwede na yung basta mahatid nyo lang ang maiinit na balita sa amin. Hindi lang dapat sa galing nyo sa paghahatid ng balita kayo mag-pokus kundi pati ang pagbabalita  sa akmang sitwasyon. Kung nagbabasa lang kayo ng mga libro at articles para sa mga media malalaman nyo sana kung ano ba ang dapat na ginawa niyo. Try to improve lagi at magdiscover ng mga bagong bagay. Walang katapusang improvement dapat. Napakalaki ng impluwensiya niyo sa buhay ng tao. Parte na kayo ng buhay namin e. Oo nakakatuwa yung hologram effect nyo sa pagbabalita pero mas nakakatuwa kung walang mamamatay dahil sa inyo.

Trabahador: Oo, hindi obligasyon ng Employer na payamanin ang employee. Ang obligasyon ng employer ay mag-hire ng magagaling na tao para yumaman lalo ang sarili niya. Pero hindi yun sapat na dahilan para pumetiks sa trabaho mo. “Miss secretary mali yung spelling mo ng name ng client..” sasagot “Pwede na yan.. magkatunog naman e..”. “Boy, pakipunasan mo ng tuyong basahan ang sahig pag-mop mo ha..” sasagot “Mam pwede na yan kahit di ko na punasan.. Matutuyo rin naman yan..”

Estudyante: “Pare mali-mali yung explanation mo sa essay na ito..” sabi ng lalaki sa classmate niya. Sumagot naman na “Pwede na yan.. di naman yan binabasa lahat ni sir e..” Panahon na ng exam at kailangan nya magsolve ng 5 problems per day para makapagreview maige. Pag niyaya ng kaibigan nya uminom “Pwede na yan kahit 1 lang sagutan ko ngayon.. Halos parehas lang naman yan..”

Nanay: Ibang kulay ng sinulid ang ginamit na pantahi sa uniform ni JR. “Pwede na yan.. ang mahalaga hindi na kita ang Ma-bacon mong brief pagnaglalaro kayo ng habulan..”

Wag tayong makuntento kung anong meron tayo ngayon. Humanap pa tayo ng mga paraan na mas maganda, mas maayos, mas mabilis at lahat pa ng positibong mas.

Kung ang mga tao noong una ay nakuntento na sa kalesa at balsa, wala sanang Jeep ngayon na bumibirit tuwing umaga.

Itaas natin ulit ang kalidad ng produkto at serbisyo ng pilipino. Magtulong-tulong tayong tanggalin ang putik na nasa mukha ng pilipinas na ipinahid ni Mendoza. Ipakita natin sa kanila na kung magkakalat man tayo, marunong pa rin tayong magligpit.

Time Crisis? Pwede na ba yan?

–Metaporista