You are currently browsing the monthly archive for Setyembre 2010.

“Mas mahirap maging estudyante ngayon dahil mas maraming sagabal.. Dapat matibay ang character mo!” –Engr. Cherrie Rose Tena
————
Hindi raw masisi ang mga estudyante ngayon kung karamihan sa kanila ay tamad o hindi sing-galing ng kani-kanilang mga magulang. Mas malaki ang hamon na kinakaharap ng mga estudyante ngayon kumpara noong 70′s, 80′s at early 90′s.
-
Matanda: Bakit? E mas mahirap nga nung panahon namin dahil wala pang xerox, calculator, cellphone, computer at i-phone. Mas madali ang buhay ng mga estudyante ngayong dahil halos lahat isang pindot na lang! Tapos ambababa pa ng grado niyo??!!

Bata: Hindi niyo po ba alam kung gaano kahirap labanan ang mga istorbong nakapaligid sa amin? Para po kaming pulubing di nakakain ng 1 linggo na iniinggit ng batang may dalang haggen daz na ice cream!
-
Matanda: Kasalanan ko ba yun? At bakit yung iba may disiplina naman sa sarili. Ba’t ikaw wala?
-
Bata: Sinasabi niyo lang po yan dahil wala kayong textmate dahil may asawa na kayo. At saka mas marami po kaming pinag-aaralan ngayon kumpara po sa inyo dati kaya mas marami ang tinatamad. Dati ang history nyo lang na pinag-aaralan ay mula kay magellan hanggang kay marcos lang. Ngayon, kami mula pa kay Maragtas at Kalantiaw hanggang kay Hello Garci. Wala pa kayong subject na computer dati di po ba? Nasa lumang dictionary nyo na po ba ang salitang fidelity at imeldific at abbreviation ng CPU, DOS, RAM, ROM, DVD, DVD-RW at WWJD? At iilan na lang ang mga sobrang gagaling na guro ngayon sa pilipinas dahil nasa abroad na sila dahil mas malaki ang kita nila dun! Ilan na lang ang naninindigan na tumulong para mai-angat ang antas ng edukasyon sa pilipinas!
-
Matanda: Galit ka?
-
Bata: Hindi po. Nagpapaliwanag lang.
-
Matanda: Ah…Ang punto ko lang naman ay ito… Ang henerasyon nyo ay masuwerte dahil sa teknolohiya na nadevelop namin.. Ngayon, gamitin niyo lahat ng teknolohiya para umunlad kayo at mapag-buti pa ang inyong pagkatuto sa paaralan. Hindi masama ang maglibang pero dapat limitahan niyo ang sarili niyo.. Oo, mahirap labanan ngayon ang napakadaming tukso. Nagmememorize ka ng pangalan ng bayani tapos may magtetext sayo, wala ka na agad sa pokus. Mag tatype ka ng project mo sa Microsoft word e biglang naaala mong magdidilig ka pa ng halaman mo sa Plants Vs. Zombies, wala na, Ita-try mo na lahat ng Mini-games. Kumokopya ka sa whiteboard ng notes na sinusulat ng titser mo e biglang naalala mong may Cellphone ka nga palang 2 Mega-pixel, wala na, aantayin mo na lang matapos magsulat tapos pipicturan mo na lang yung nasa board. Ang tanong, nabasa mo ba yung pinicturan mo? Matatama mo ba yan pag may mali? Diyan nagkakaiba ang henerasyon natin. Mas marami kayong alam sa amin pero mas praktisado kami kesa sa inyo. Nauso pa yang unlicall at unlitext ng sun. Gustong masulit ang pina-load, kahit nasa classroom text ng text. Nauso pa yang pirated na dvd. Imbis tuloy na minsan lang manood ng pelikula sa sinehan, iba-iba pa ang pinapanood kada araw imbis na oras na pang-gawa ng homework!

Bata: Galit po kayo?

Matanda: Oo. Bakit? Pinapag-aral namin kayo, bakit? Hindi lang kami kumikibong matatanda dahil gusto rin naman namin kayo maging malaya. Sawa na ang mata ko na makakita ng mga batang naglulustay ng perang pinaghihirapan ng kanilang mga magulang sa paglalaro ng DOTA, Tekken sa Quantum at pagbili ng load pangtext sa kanilang mga puppy love! Nakakagigil! Gusto kong manapok pero wala naman akong karapatan dahil di ko sila anak.

Para sa kategorya ng tula sa Saranggola Blog Awards 2010:


__________________________________________________________

Riles sa Bukirin

ni Metaporista

1

Sa linggong darating, mauupo’t mahihimbing,

Sa sasakyang may pag-layang oras ay manipulahin.

Mayaman, may-kaya, maging ang mga alipin,

Nagdidikit, kumakapit, sa hawakang walang sapin.

Lunas sa mga taong tanghali na kung magising.

Solusyon sa usad-pagong na daang may paninimdim.

2

Sa linggo nga na paparating,

Ngiti ko’y handa’t nakahain,

sa tapak na aking aakyatin,

sa patas na mga alituntunin.

Mukha ko’y mananatiling akin,

di na magpapalit-palit at mananatiling birhen.

3

Pag tumunog na ang busina, pinto ay isasara.

Ano mang oras ay handa na, sa aming pag-arangkada.

Ang Luneta at mga bubong ng taong may kaya,

Maaliwalas sa mata, kublihan ng puri’t ganda.

Yerong kinakalawang, kable na parang pansitan,

mga basura sa bubungan ang siya nitong kabaliktaran.

4

Sa linggong darating, sa sarili’y muling mahihiling,

na ang buong pilipinas ay pagkonektahin..

Gawan ng riles hanggang sa mga bukirin,

para madali kong marating kaygandang mga tanawin natin.

5

Hayaang tren na walang usok ang magbitbit sa atin,

sa lugar na pinaka-mapayapa, sa bawat tahanan natin.

Bawas na sa polusyon, simbilis pa ng hangin.

Magaang sa bulsa, abot ang himpapawirin.

_______________________________________

Paboritong Pader

ni Metaporista

1

Libong laway na ang naidura sa akin,

ang panghi ko’y sa tatlong drum ng ihi nanggaling,

apatnapu’t pitong kulangot mula sa tatlong magbabalot,

dalawampung basag na bote galing sa mga adik na senglot.

2

Ako ang inyong pader dito sa inyong bakuran,

silbi ko’y walang iba kundi kayo ay proteksiyunan..

Pribado niyong buhay ay aking pagtatakpan,

Matibay, matatag at hindi kinakalawang!

3

Noong una ako’y inyo pang pininturahan,

sinabitan ng mga orchids at iba pang mga halaman.

Semento kong puso’y nanlambot ng lubusan,

Nagpasya akong habambuhay kayong proproteksiyunan.

4

Lumipas ang mga taon, anak mo’y nagdamihan,

naisantabi ako saglit at di na naalagaan.

Espasyo sa harap ko’y inyong tinambakan,

ng mga basurang aking labis na kinasusuklaman!

5

Wala akong ilong, oo, pero ako nama’y inyong kaawaan.

Di ko nais na ang mga tao ako’y layuan.

Sa tuwing dadaan sila sa aki’y ilong nila’y tinatakpan.

Gawin ba naman akong  palikuran ng mga lalaking walang alam.

Kung barbero ako’y pinutol ko na ang ari niyo,

wala kayong pinag-iba sa mga kapit-bahay kong aso.

6

Gayunpaman, ako’y mananatiling nakatayo,

Maghihintay ng ulan upang ako ay makaligo,

Aantayin ko na ang ihi at dura ninyo sa akin ay humalo,

sa tubig baha na nilalakaran niyong walang kibo.

__________________________________________________________

Punong Sakdal

ni Metaporista

Sa bawat punong atin nang naitanim,

may inahing ibon ang lihim na nagpasalamat sa atin.

May kuliglig at tuko na tuwang-tuwang naglalaro..

Gagamba at antik na galak na nag-iisip,

kung anong disenyong bahay ang sa puno’y kanilang ititirik.

Sa ordinaryong tao,

silungan lang tuwing umuulan ang silbi nito.

O di kaya’y pahingahan,

at pananggalang sa init ng araw na tagos hanggang buto.

Nalilimutan nila na ang papel na kanilang pinagbababato,

ginuguhitan ng kung ano-ano,

ay nanggaling sa puno na tuluyan ng nagretiro.

Sa tapat na serbisyo na ibinibigay nito,

katumbas niya’y isang enhinyerong tapat at totoo.

Silbing para sa nakararami,  ibibigay ang sarili,

Kaunlaran ng publiko ang laging iniintindi,

Kapakanang pansarili ang laging ihinuhuli.

Taga-pagligtas sa mga lupang pa-guho,

taga-sipsip ng ulan mula sa bahang delubyo,

taga-bigay ng sariwang hangin sa mga tao,

walang hinihinging bayad kahit gawin silang rebulto.

  -

  -

  -

KARAGDAGANG MGA TULA TUNGKOL SA KALIKASAN (2012)

  -

Talahib

ni Metaporista

 1

Wag isisi sa akin ang iyong kapaguran,

Ako`y inosente at wag pagbintangan.

Bunutin mo na lang at ako`y sindihan

Upang di na magbalik ang aming angkan.

 2

Kung minsan, ako`y naguguluhan..

Ang silbi ko ba sa mundo`y kayo`y pahirapan?

Hindi naman makakain dahil ako`y palaban..

Sa talas ko`t haba, kayo`y tiyak na masasaktan..

 3

Kailan? Kailan? Saan? Saan?

Kailan magkakasilbi? Saan pagagamitan?

Tulad mo`y hindi ko rin alam.

Tulad mo, pinanganak akong walang patutunguhan.

 4

Naiba ako nang hindi ko sinasadya,

Ang pagmamatigas pala ay hindi rin maganda.

Sa pagsisigasigaan ko`y wala ring napala.

Minsa`y kelangan ding magpakalambot at magpakumbaba.

-

-

-

Nalunod na Lupa

ni Metaporista

1

Paparating na ang trak na may dalang graba,

Kasunod ng mga buhangin na kanilang kinarga,

Nakasilong ang semento, naka-sako, naka-dyaryo.

Ang tubig na ipanghahalo, sumisirit na sa gripo.

Ilang sandali pa, tuluyan ng ihahalo.

 2

Kami nama`y naririto.. Nag-aantay na bungkalin..

Nag-aantay na pitpitin ng makinang dumidiin,

Pilit na sisiksikin at kami`y pag-iisahin,

Para mapatungan ng pinaghalong salot.. Salot sa bukirin!

Konkretong kinapapanabikan, kayo`y kanyang tratraydorin.

 3

Hindi niyo ba alam na kayo`y babahain?

Ang agos ng tubig ay raragasa`t kayo`y lalamunin.

Nais man naming higupin at sipsipin,

Wala na kaming kakayanan para kayo`y sagipin.

Sumigaw man kami ay di niyo rin diringgin!

4

Sawa na sa lubak? Sawa na putik?

Sa daang patag at tuwid kayo ay tila nanabik.

Wala namang masama kung plinano`t inisip

Ang balde man kung mapuno`y umaapaw at nanlilisik

Mga langgam na walang malay aagusing walang patid.

 -

 -

 -

Manila Bus

ni Metaporista

1

Nais kong makakita ng Manila Bus!

Mapang-akit daw ito at nakakalakas!

Di ka patutulugin at ika`y pakakapitin,

Ano mang iniisip ay kayang burahin..

Dadalhin ka sa mundong tago`t nililihim,

Ika`y mababasa kung walang patong na sapin

Di ito tumitigil  bumaha man ng malalim.

2

Nais kong makahawak ng Manila Bus!

Pangakong di kukurutin at ikakaskas!

Madulas daw ito na parang ubas,

Ididikit ko ang labi at aking ipupunas,

Kahit ito`y marumi at wala pang hugas.

Sa lubos kong paghanga`y di na kakalas

Magpapatuloy sa paghawak hanggang sila`y lumabas.

3

Nais kong makasakay sa Manila Bus!

Kahit gaano man kabilis ay di pipiglas!

Usok man nito`y itim na nag-aangas,

Di ko titigilan ang madiing pag-angkas.

Tumaas man ang bayad dahil sa gaas,

Siksikan man ang tao dahil sa oras,

Sasakay pa rin ako sa Manila Bus!

4

Kasabikan ko sayo ay naglalagabgab!

Gustuhin mang makita`y, malabo,

dahil ako`y bulag.

Gustuhin mang hawaka`y, imposible,

dahil ako`y duwag.

Gustuhin mang sakyan`y, di kaya,

dahil ako`y hungkag.

 -

 -

 

from: larawangpinoy@blogspot.com

 

Mababa Lang Pala Ang Langit

ni Metaporista

Bagong lipat lang kami dito sa Maynila. Mausok, mabaha at wala halos damo na manguya para sa aming dalawang kambing na alaga. Maingay, magulo at mahal ang bilihin! Ang baon kong tatlong piso ay halos walang marating!

Apat na Buwan na ang nakakaraan mula ng kami ay lumisan sa aming bayan. Nalulungkot ako dito at nais ko na muling makalaro at makasama ang lima kong makukulit na kaibigan. Nahihiya kasi akong lumabas dito dahil parang napakahirap nilang pakibagayan. Pag lumalabas akong kasama ang aking mamang at papang, lahat ng mata ng mga bata, sa amin ay nagkukumpulan.

Ang mahaba bang balbas ni papang ang kanilang kinatatakutan? O baka ang damit ni mamang na itim na balot ang kanyang buong katawan? O baka ako, na nag-iisang  bata sa aming lugar na hindi pumapasok sa paaralan?

Mag-aanim na taong gulang na ako sa susunod na buwan. Pero wala pa rin akong makitang kaibigan tulad ng lima kong kalaro sa aming bayan. Ang papang ko’y nakahanap na ng trabaho sa isang tindahan sa lugar na di naman kalayuan. Si mamang naman ay nasa bahay lang, nagpapagaling ng sugat sa kanyang paanan.

“Papa ayoko na sa Maynila!” Nasasambit ni mamang sa tuwing pakiramdam niya na kami ay para ring nasa ibang bansa. Kapwa namin pilipino sa amin ay walang tiwala. Dahil ba si Allah ang aming sinasamba? At sa inyo’y ang inyong diyos na nilagyan ng tinik na korona? Kahit rin naman kayo ay mayroon ding pagkakaiba diba? May hindi kumakain ng dugo, may naghahagis ng panyo at mayroon din nagpapapako. Ngunit bakit kayong lahat ay tila nagkakasundo? Pero bakit sa amin, kayo’y patuloy na lumalayo?

Balang araw ay matatanggap rin ninyo kami. Di na ninyo kami lalayuan at ang pagkakaibigan nati’y patuloy na ring gagaang…

Paano..?

Siguro pag nalaman ninyo ang dahilan ng aming paglisan sa pinakamamahal naming bayan…

Na imbis na tilaok ng manok ang gumigising sa amin sa umaga, putok ng baril ang lagi sa aming bumubulaga… Ang alaga ni papang na pitong kalabaw at walong baka, inagaw na pilit at kambing lang ang itinira! Ang mga kapitbahay naming lumalabang walang laban, inubos ng siyam na taong may hawak na machine gun. Ang limang batang kalaro ko sa pagtago at paglundag, may kanya-kanyang unan na pangtakip at pangsalag. Pangsalag sa mga balang dudurog sa kanilang buto? Hindi. Pangsalag sa tumatalamsik na dugo at ingay, sa mausok at bumabahang mga pulbura, sa magulo at mamahaling kapayapaan. Alam ko bata pa ako pero sana’y marinig niyo.. Hindi rin kami pare-parehas tulad ninyo! Hindi kami lahat mamamatay tao gaya ng tingin niyo!

Kahit tatlo lang kami sa darating kong kaarawan…

Kahit ako lang lagi mag-isa ang naglalaro ng tagu-taguan…

Kahit pagtawanan pa ninyo kami sa aming kasuotan…

Wala akong masasabi kundi salamat na lang..

Dahil kahit papaano,

pinahintulutan niyo kaming mamuhay ng payapa kahit sampung buwan lang..

Sa akala niyong Maynilang nilamon na ng kasamaan..

Ito ngayon ang aking langit..

Kahit masikip at maliit..

Wala ng bala ng baril..

Ang sa saranggola ko’y pupunit..

–Metaporista

 

SARANGGOLA BLOG AWARDS

DMCI HOMES

ALTA VISTA DE BORACAY

Metaporista


Masuwerte tayo sa pagkakamit natin ng kalayaan. Malaya na tayo mag salita, kumilos at magdesisyon. Pero ang hindi natin alam, mayroon ding masasamang epekto ang lubusang pagtamo ng kalayaan.

Twitter

  • Madali lang magpayaman kung tutuusin. Ang nagpapahirap lang ay ang pag-abot nito sa malinis na paraan.-----4 months ago
  • Masubukan lang. Wala namang mawawala. Mabuti na ring simulan ngayon. Di ko kasi maintindihan ang @ at # na yan. Para mapaliwanag ko sa iba.-----4 months ago

SARANGGOLA BLOG AWARDS 2

CLICK MO ITO, KUNG AYAW MONG MAHOLDAP

Mga Blog noong nakalipas na buwan

Isa sa isang dosenang buwan

Setyembre 2010
L M M H B S L
« Ago   Okt »
 12345
6789101112
13141516171819
20212223242526
27282930  

Enter your email address to subscribe to this blog and receive notifications of new posts by email.

Join 31 other followers

SocialVibe


Follow

Get every new post delivered to your Inbox.

Join 31 other followers