from: larawangpinoy@blogspot.com

 

Mababa Lang Pala Ang Langit

ni Metaporista

Bagong lipat lang kami dito sa Maynila. Mausok, mabaha at wala halos damo na manguya para sa aming dalawang kambing na alaga. Maingay, magulo at mahal ang bilihin! Ang baon kong tatlong piso ay halos walang marating!

Apat na Buwan na ang nakakaraan mula ng kami ay lumisan sa aming bayan. Nalulungkot ako dito at nais ko na muling makalaro at makasama ang lima kong makukulit na kaibigan. Nahihiya kasi akong lumabas dito dahil parang napakahirap nilang pakibagayan. Pag lumalabas akong kasama ang aking mamang at papang, lahat ng mata ng mga bata, sa amin ay nagkukumpulan.

Ang mahaba bang balbas ni papang ang kanilang kinatatakutan? O baka ang damit ni mamang na itim na balot ang kanyang buong katawan? O baka ako, na nag-iisang  bata sa aming lugar na hindi pumapasok sa paaralan?

Mag-aanim na taong gulang na ako sa susunod na buwan. Pero wala pa rin akong makitang kaibigan tulad ng lima kong kalaro sa aming bayan. Ang papang ko’y nakahanap na ng trabaho sa isang tindahan sa lugar na di naman kalayuan. Si mamang naman ay nasa bahay lang, nagpapagaling ng sugat sa kanyang paanan.

“Papa ayoko na sa Maynila!” Nasasambit ni mamang sa tuwing pakiramdam niya na kami ay para ring nasa ibang bansa. Kapwa namin pilipino sa amin ay walang tiwala. Dahil ba si Allah ang aming sinasamba? At sa inyo’y ang inyong diyos na nilagyan ng tinik na korona? Kahit rin naman kayo ay mayroon ding pagkakaiba diba? May hindi kumakain ng dugo, may naghahagis ng panyo at mayroon din nagpapapako. Ngunit bakit kayong lahat ay tila nagkakasundo? Pero bakit sa amin, kayo’y patuloy na lumalayo?

Balang araw ay matatanggap rin ninyo kami. Di na ninyo kami lalayuan at ang pagkakaibigan nati’y patuloy na ring gagaang…

Paano..?

Siguro pag nalaman ninyo ang dahilan ng aming paglisan sa pinakamamahal naming bayan…

Na imbis na tilaok ng manok ang gumigising sa amin sa umaga, putok ng baril ang lagi sa aming bumubulaga… Ang alaga ni papang na pitong kalabaw at walong baka, inagaw na pilit at kambing lang ang itinira! Ang mga kapitbahay naming lumalabang walang laban, inubos ng siyam na taong may hawak na machine gun. Ang limang batang kalaro ko sa pagtago at paglundag, may kanya-kanyang unan na pangtakip at pangsalag. Pangsalag sa mga balang dudurog sa kanilang buto? Hindi. Pangsalag sa tumatalamsik na dugo at ingay, sa mausok at bumabahang mga pulbura, sa magulo at mamahaling kapayapaan. Alam ko bata pa ako pero sana’y marinig niyo.. Hindi rin kami pare-parehas tulad ninyo! Hindi kami lahat mamamatay tao gaya ng tingin niyo!

Kahit tatlo lang kami sa darating kong kaarawan…

Kahit ako lang lagi mag-isa ang naglalaro ng tagu-taguan…

Kahit pagtawanan pa ninyo kami sa aming kasuotan…

Wala akong masasabi kundi salamat na lang..

Dahil kahit papaano,

pinahintulutan niyo kaming mamuhay ng payapa kahit sampung buwan lang..

Sa akala niyong Maynilang nilamon na ng kasamaan..

Ito ngayon ang aking langit..

Kahit masikip at maliit..

Wala ng bala ng baril..

Ang sa saranggola ko’y pupunit..

–Metaporista

 

SARANGGOLA BLOG AWARDS

DMCI HOMES

ALTA VISTA DE BORACAY