Para sa kategorya ng tula sa Saranggola Blog Awards 2010:


__________________________________________________________

Riles sa Bukirin

ni Metaporista

1

Sa linggong darating, mauupo’t mahihimbing,

Sa sasakyang may pag-layang oras ay manipulahin.

Mayaman, may-kaya, maging ang mga alipin,

Nagdidikit, kumakapit, sa hawakang walang sapin.

Lunas sa mga taong tanghali na kung magising.

Solusyon sa usad-pagong na daang may paninimdim.

2

Sa linggo nga na paparating,

Ngiti ko’y handa’t nakahain,

sa tapak na aking aakyatin,

sa patas na mga alituntunin.

Mukha ko’y mananatiling akin,

di na magpapalit-palit at mananatiling birhen.

3

Pag tumunog na ang busina, pinto ay isasara.

Ano mang oras ay handa na, sa aming pag-arangkada.

Ang Luneta at mga bubong ng taong may kaya,

Maaliwalas sa mata, kublihan ng puri’t ganda.

Yerong kinakalawang, kable na parang pansitan,

mga basura sa bubungan ang siya nitong kabaliktaran.

4

Sa linggong darating, sa sarili’y muling mahihiling,

na ang buong pilipinas ay pagkonektahin..

Gawan ng riles hanggang sa mga bukirin,

para madali kong marating kaygandang mga tanawin natin.

5

Hayaang tren na walang usok ang magbitbit sa atin,

sa lugar na pinaka-mapayapa, sa bawat tahanan natin.

Bawas na sa polusyon, simbilis pa ng hangin.

Magaang sa bulsa, abot ang himpapawirin.

_______________________________________

Paboritong Pader

ni Metaporista

1

Libong laway na ang naidura sa akin,

ang panghi ko’y sa tatlong drum ng ihi nanggaling,

apatnapu’t pitong kulangot mula sa tatlong magbabalot,

dalawampung basag na bote galing sa mga adik na senglot.

2

Ako ang inyong pader dito sa inyong bakuran,

silbi ko’y walang iba kundi kayo ay proteksiyunan..

Pribado niyong buhay ay aking pagtatakpan,

Matibay, matatag at hindi kinakalawang!

3

Noong una ako’y inyo pang pininturahan,

sinabitan ng mga orchids at iba pang mga halaman.

Semento kong puso’y nanlambot ng lubusan,

Nagpasya akong habambuhay kayong proproteksiyunan.

4

Lumipas ang mga taon, anak mo’y nagdamihan,

naisantabi ako saglit at di na naalagaan.

Espasyo sa harap ko’y inyong tinambakan,

ng mga basurang aking labis na kinasusuklaman!

5

Wala akong ilong, oo, pero ako nama’y inyong kaawaan.

Di ko nais na ang mga tao ako’y layuan.

Sa tuwing dadaan sila sa aki’y ilong nila’y tinatakpan.

Gawin ba naman akong  palikuran ng mga lalaking walang alam.

Kung barbero ako’y pinutol ko na ang ari niyo,

wala kayong pinag-iba sa mga kapit-bahay kong aso.

6

Gayunpaman, ako’y mananatiling nakatayo,

Maghihintay ng ulan upang ako ay makaligo,

Aantayin ko na ang ihi at dura ninyo sa akin ay humalo,

sa tubig baha na nilalakaran niyong walang kibo.

__________________________________________________________

Punong Sakdal

ni Metaporista

Sa bawat punong atin nang naitanim,

may inahing ibon ang lihim na nagpasalamat sa atin.

May kuliglig at tuko na tuwang-tuwang naglalaro..

Gagamba at antik na galak na nag-iisip,

kung anong disenyong bahay ang sa puno’y kanilang ititirik.

Sa ordinaryong tao,

silungan lang tuwing umuulan ang silbi nito.

O di kaya’y pahingahan,

at pananggalang sa init ng araw na tagos hanggang buto.

Nalilimutan nila na ang papel na kanilang pinagbababato,

ginuguhitan ng kung ano-ano,

ay nanggaling sa puno na tuluyan ng nagretiro.

Sa tapat na serbisyo na ibinibigay nito,

katumbas niya’y isang enhinyerong tapat at totoo.

Silbing para sa nakararami,  ibibigay ang sarili,

Kaunlaran ng publiko ang laging iniintindi,

Kapakanang pansarili ang laging ihinuhuli.

Taga-pagligtas sa mga lupang pa-guho,

taga-sipsip ng ulan mula sa bahang delubyo,

taga-bigay ng sariwang hangin sa mga tao,

walang hinihinging bayad kahit gawin silang rebulto.

  -

  -

  -

KARAGDAGANG MGA TULA TUNGKOL SA KALIKASAN (2012)

  -

Talahib

ni Metaporista

 1

Wag isisi sa akin ang iyong kapaguran,

Ako`y inosente at wag pagbintangan.

Bunutin mo na lang at ako`y sindihan

Upang di na magbalik ang aming angkan.

 2

Kung minsan, ako`y naguguluhan..

Ang silbi ko ba sa mundo`y kayo`y pahirapan?

Hindi naman makakain dahil ako`y palaban..

Sa talas ko`t haba, kayo`y tiyak na masasaktan..

 3

Kailan? Kailan? Saan? Saan?

Kailan magkakasilbi? Saan pagagamitan?

Tulad mo`y hindi ko rin alam.

Tulad mo, pinanganak akong walang patutunguhan.

 4

Naiba ako nang hindi ko sinasadya,

Ang pagmamatigas pala ay hindi rin maganda.

Sa pagsisigasigaan ko`y wala ring napala.

Minsa`y kelangan ding magpakalambot at magpakumbaba.

-

-

-

Nalunod na Lupa

ni Metaporista

1

Paparating na ang trak na may dalang graba,

Kasunod ng mga buhangin na kanilang kinarga,

Nakasilong ang semento, naka-sako, naka-dyaryo.

Ang tubig na ipanghahalo, sumisirit na sa gripo.

Ilang sandali pa, tuluyan ng ihahalo.

 2

Kami nama`y naririto.. Nag-aantay na bungkalin..

Nag-aantay na pitpitin ng makinang dumidiin,

Pilit na sisiksikin at kami`y pag-iisahin,

Para mapatungan ng pinaghalong salot.. Salot sa bukirin!

Konkretong kinapapanabikan, kayo`y kanyang tratraydorin.

 3

Hindi niyo ba alam na kayo`y babahain?

Ang agos ng tubig ay raragasa`t kayo`y lalamunin.

Nais man naming higupin at sipsipin,

Wala na kaming kakayanan para kayo`y sagipin.

Sumigaw man kami ay di niyo rin diringgin!

4

Sawa na sa lubak? Sawa na putik?

Sa daang patag at tuwid kayo ay tila nanabik.

Wala namang masama kung plinano`t inisip

Ang balde man kung mapuno`y umaapaw at nanlilisik

Mga langgam na walang malay aagusing walang patid.

 -

 -

 -

Manila Bus

ni Metaporista

1

Nais kong makakita ng Manila Bus!

Mapang-akit daw ito at nakakalakas!

Di ka patutulugin at ika`y pakakapitin,

Ano mang iniisip ay kayang burahin..

Dadalhin ka sa mundong tago`t nililihim,

Ika`y mababasa kung walang patong na sapin

Di ito tumitigil  bumaha man ng malalim.

2

Nais kong makahawak ng Manila Bus!

Pangakong di kukurutin at ikakaskas!

Madulas daw ito na parang ubas,

Ididikit ko ang labi at aking ipupunas,

Kahit ito`y marumi at wala pang hugas.

Sa lubos kong paghanga`y di na kakalas

Magpapatuloy sa paghawak hanggang sila`y lumabas.

3

Nais kong makasakay sa Manila Bus!

Kahit gaano man kabilis ay di pipiglas!

Usok man nito`y itim na nag-aangas,

Di ko titigilan ang madiing pag-angkas.

Tumaas man ang bayad dahil sa gaas,

Siksikan man ang tao dahil sa oras,

Sasakay pa rin ako sa Manila Bus!

4

Kasabikan ko sayo ay naglalagabgab!

Gustuhin mang makita`y, malabo,

dahil ako`y bulag.

Gustuhin mang hawaka`y, imposible,

dahil ako`y duwag.

Gustuhin mang sakyan`y, di kaya,

dahil ako`y hungkag.

 -

 -