You are currently browsing the monthly archive for Nobyembre 2010.

Bagaman hindi lahat, karamihan ng mga ginagawa at pinaghihirapan natin ay hindi para sa atin kundi para sa ating anak o magiging anak. Ang puyat sa gabi, ang pagtratrabaho at pagkakayod sa buong araw, ang pagalis sa bahay ng umaga at paguwi ng gabi, ang pag-titipid sa iyong pera at marami pang iba.

Bakit ka nag-aaral? E di para magkatrabaho.

Bakit ka nagtratrabaho? E di para may pagkakitaan para may panggastos sa mga gugulin at sa mga anak o magiging anak mo.

Unless bading ka. O walang balak mag-asawa. O walang balak o kakayahang mag-anak.

Ika nga, ikaw ang magtatanim ng puno at ang anak mo ang mas makikinabang ng bunga at hindi ikaw. At ang itatanim naman ng anak mo na puno ay pakikinabangan ng anak niya and so on and so forth.

Yan yung tinatawag natin na Sustainability. May mga bagay na kailangan nating gawin para may madatnan ang mga taong mabubuhay sa hinaharap. Kung gagawin mong kabinet lahat ng narra sa mundo ay wala ng madadatnan pang mga narra ang mga anak mo. Kung gusto mong gawing pulutan lahat ng tuna na isda sa dagat pati baby at mga itlog nito sa kasal mo ay wala ng matitikman pang tuna ang magiging apo mo.

Nung pinaglaban ni ninoy ang mga pilipino, para ba sa mga pilipino lang nung taon na yun ang inisip niya? Nung nakipaglaban si Rizal, ang gusto lang bang iligtas niya ay ang sarili niya? Nung pinako si Jesus, para lang ba sa sarili niya ginawa yun?

Ang responsableng tatay, itatabi niya ang pera at ilalaan sa kinabukasan ng mga anak niya para kung sakaling mamatay siya ng maaga ay may mapapang-aral at may makakain ang mga ito. Ang iresponsableng ama, pag-alam niyang mamatay na siya, ipang-cacasino, ipang-iinom at ipang-bibisyo ang lahat ng pera niyang pinaghirapan at taas noong sasabihin “Anong paki mo? Pinaghirapan ko ito! Ako lang ang makikinabang nito!”

Minsan ka lang mag-aaral. Wag mong sisihin ang sarili mo pag di ka makahanap ng magandang trabaho kung tatamad-tamad ka ngayon sa pag-aaral mo.

May karapatan ka namang magpakasaya. Sino ba nagsabing wala? Gawin mo ang gusto mo. Wag mo lang sisihin ang sarili mo pag wala ka ng mapang-aral sa anak mo. Wag mong iuntog ang ulo mo sa pader pag umiiyak na ang sandosena mong anak sa gutom. Wag mo lang tatakasan ang mundo sa pamamagitan ng pagtalon sa billboard  dahil sa wala kang pambili ng gamot sa anak mong dedelirio.

Hindi nagtatapos ang buhay ng buong sangkatauhan pag namatay ka. Yun ang masakit na katotohanan. Mundo mo lang ang titigil. Ang iniwan mong hindi nakapagaral ay hindi na makakapagaral. Ang iniwan mong gutom ay mananatiling gutom. Ang iniwan mong nagdedelirio ay mananatiling nanginginig sa lamig ng init.

Kung hindi ka man tinaniman ng masaganang puno ng magulang mo, walang magagawa kundi mamitas at manghingi ka sa iba gamit ang iyong pagsisikap at determinasyon. Ngayon, kung ayaw mong mangyari sa anak mo ang nangyari sayo, simulan mo na ang pagtatanim ngayon. Kung estudyante ka, mag-aral ka maige. Kung trabahador ka, magtrabaho kang maige.

-metaporista

Kung nagagawi ka sa Coastal road sa Baclaran papuntang Cavite ay makikita mo ang isa sa napaka-importanteng halaman sa ating bansa. Sila yung mga puno na tumutubo sa tubig dagat. Sila ay kilala bilang Mangrove. Hindi sila tumubo ng kusa doon. Artificially planted sila. Tinanim sila dun dahil meron silang misyon.

Ang Mangrove sa Coastal Road ay pinupugaran ng iba’t ibang mga nilalang. Parte ito ng ating ecosystem sa karagatan. Tinitirahan ito ng mga algae, shrimp, lobster, crab, oyster at iba pa. Nabubuhay lang ang mga punong ito sa mga tropikal na bansa tulad na lamang ng Pilipinas. Kung tutuusin sila na ang pinaka-maswerteng halaman dahil hindi na sila matutuyuan at mauuhaw kailanman. Pero kapalit ng sarap nila sa buhay ay ang obligasyon nilang proteksiyunan ang ating coastal area.

Ang mga mangrove ay ginagawang shield sa mga malalakas na alon na maaring bumayo sa ating coastal area. Ang mga ugat naman nito ay nagpapatibay din ng lupa sa ilalim nito. Tumutulong din ito sa pagpapababa ng level ng baha. Tulad ng ibang puno ay nakapag-bibigay din ito ng nutrients sa mga nilalang na nakatira dito. At ang pinaka-importante nitong silbi.. ang linisin ang madumi nating katubigan. Ang mga natunaw na dumi ng mga tao sa tubig ay kaya nilang linisin.

Alam niyo ba na mas maraming bilang ang namatay sa malaria kesa sa bilang ng mga namatay sa bala ng baril sa world war II? Marami rin ang namatay sa cholera.

Naiinip ka ba sa iyong buhay at gusto mo ng maranasan mabilanggo ng hindi ka pumapatay ng tao? Simple. Sirain mo ang mga Mangrove natin. Oo, ganun sila kaimportante. Ang Mangrove ay prinoproteksyunan ng ating Pambansang Batas. Dahil dati ay kali-kaliwa ang pagputol nito at karaniwan pang ginagawang uling.

Alam niyo rin ba kung ba’t di pa masimulan ang Project na extension ng LRT Baclaran papuntang Las Pinas at St. Dominic sa Talaba, Bacoor ay dahil may masasagasaang mga Mangrove doon? Ngayon nag-iisip pa sila ng ibang ruta. Ang problema, imbis na Baclaran diretsong Las Pinas ay iiikot pa ata nila ito sa may bandang NAIA para maiwasan ang mga Mangrove at para na rin maraming pasaherong makakasakay.

Ganun katindi ang Mangrove.

Bawasan natin ang pagdudumi sa dagat. Yun ang pinaka-madaling matutulong natin para mas mabilis at mas madali nilang malinis ang mga dumi.

Para sa karagdagang impormasyon bisitahin niyo ito.

http://www.freewebs.com/arbmwcnetwork/Philippines.pdf

–Metaporista

Namatayan ng Ama’t Ina.

Pumunta ng Manila ng walang kakilala at baong sapat na pera.

Napasama sa sindikato.

Hindi marunong bumasa at magsulat.

May Kapansanan.

May sakit ang magulang.

Pinalayas sa squatter area.

Nasunugan.

-Ito ang karaniwang mga dahilan kung bakit namulubi ang mga pulubi natin sa kalsada. Hindi nila ginusto. Hindi nila pinangarap. Hindi nila kasalanan.

Oo, hindi nila kasalanan dahil likas sa tao ang mangarap na guminhawa sa buhay kaya kahit wala silang kakilala dito sa maynila ay handa silang makipagsapalaran. Hindi rin nila kasalanan mamatayan ng ina at ama dahil darating at darating talaga iyon sa buhay ng tao. Hindi rin nila kasalanan ang mapasama sa sindikato dahil mas siguradong hindi kakalam ang sikmura nila sa gabi dahil kahit papaano ay may kasiguruhan na may kakainin sila kesa wala. Hindi rin nila kasalanan kung hindi sila pinag-aral lalo na kung hindi pinaunawa ang kahalagan nito sa buhay ng tao. Sino bang gustong magka-polio, hydrocephalus at maging bulag? Sino bang gustong masunugan ng bahay? Sino bang gustong lumayas sa libreng tahanan sa squatter area kung ang tanging ibabayad mo lang ay ang boto sa tuwing darating ang eleksyon? Wala.

—————————–

Ayon sa isang pag-aaral, mas maliit raw ang tiyansa na matulungan ang taong nangangailangan ng tulong sa mataong lugar kesa sa hindi masyadong mataong lugar. Kunwari nasaksak ka ng snatcher sa kanto sa harap ng maraming tao, maliit ang tiyansang matulungan ka nila agad. Bakit? Dahil ayon sa pag-aaral umiiral daw sa atin ang tinatawag na Diffusion of Responsibility. Hindi mo agad tutulungan yung taong nasaksak dahil marami kayong tao doon at sasabihin mong ‘Sila ng bahalang tumawag sa pulis .Di ko naman kilala yan e. Maubos pa load ko’. Magtuturuan, magpapasahan ng responsibilidad. Pag 3 lang kayong tao nung mangyari yun. Malamang ay gagawin mo na lahat ng makakaya mo para makatulong dahil pag umalis yung isa ay wala ng ibang hihingi ng tulong at magiging  malaking konsensiya sayo iyon.

———————————————————————————–

Ganun din ang mga pulubi na nangangailangan ng tulong. Pag may umakyat na batang naglilinis ng sapatos sa jeep na maraming pasahero ay magtutulog-tulugan ka. Pag nanghihingi na ang bata ay hindi mo ito papansinin na para bang wala kang nakita. Pag kinalabit ka ng bata ay i-iiling mo ang leeg mo. Pag kinalabit ka pa ng isang beses sasabihin mo wala kang pera kahit na may hawak-hawak kang touch screen na phone. Sasabihin sayo ng bata ‘Sige na kuya pangkain lang’. Medyo maaawa ka pero di ka pa rin magbibigay dahil nakita mo na ang matandang ale na nasa tapat mo na umaakma ng dudukot ng barya niya sa kanyang pitaka at ituturo mo na ang bata dun sa ale. Titingin ka sa ale at sasabihin sa iyong isip na ‘Ang dali namang mauto ng matandang ito. Ipangkakara-krus lang naman ng bata yan e o kaya ipang-rurugby lang‘… yan ang idadahilan natin sa ating sarili pag tinanong mo ang sarili mo kung bakit di ka nagbigay kahit piso. Ang akala ng iba, ang mga batang iyon ay naka-200 pesos na sa buong araw kakakolekta, malamang ay nagkakamali ka. Diffusion of Responsibility nga. Lumalayo ang tao sa responsibilidad. Normal daw sa tao yun. Pinagana mo nanaman ang Id mo at hindi ang Super Ego o Ego man lang.

——————————————————————————–

Kung ako ay magiging isang pulubi……

1. Hindi ako pupwesto sa lugar na marami ring pulubi. Magkakaroon ka pa ng kakompetensiya. E ang tao pa naman pag nagbigay na sa ibang pulubi ay bihira na ito magbigay sa iba pang pulubi dahil iisipin na kakuntsaba ito ng una mong pinagbigyan at maiisip mo na ikaw ay pinagsasamantalahan na.

2. Wag sa ma-taong jeep o lugar para mas kokonti silang magpapasahan ng responsibilidad.

3. Gagawa ako ng schedule. Dapat rotation.

Monday-                                                    Tuesday

5 to 6pm- Area 1                                    5 to 6pm -Area 2

6 to 7pm-Area 2                                    6 to 7pm – Area 3

7 to 8pm-Area 3                                    7 to 8pm – Area 1

Sa ganitong paraan, hindi nila masyado matatandaan yung itsura ko. Ang tao pa naman pag namukhaan na yung bata ‘Araw-araw na nanghihingi yan.. Abuso na yan ah’.

4. Pag binigyan ako, hindi ko kakalimutan magpasalamat. Ito kasi ang problema sa ibang pulubi. Ang ilan sila ay hindi nakaka-appreciate ng mga bagay na binibigay sa kanila. Kunwari kakabukas mo pa lang ng Coke in can mo tapos biglang may batang lumapit sayo, hinihingi nya sayo ang coke mo na hindi pa bawas, naawa ka, binigay mo. Pagkakuha ng bata tatalikod na ito agad ni wala man lang ‘Thank you kuya ha.. kanina pa kasi ako nahihirinan at natutuyuan ng laway e.. Ang tamis kasi masyado ng Choco Butternut at Bavarian’.

5. Gagamit ako ng ‘Po’ at ‘Opo’ sa nakakatanda. Ngingiti ako lagi at hindi yung mukhang iiyak sa pagmamakaawa. Ang alam kasi ng iba umaarte lang ang mga pulubi. Kunwari nagiiyak-iyakan, naglulungkot-lungkutan. Wala akong magagawa kung yun na ang paniniwala nila. Kung artehan ang labanan, aartehan ko sila na masaya ako parang walang problema at laging nakangiti. Hindi ba’t mas mahirap gawin iyon.. habang ang tiyan ay kumakalam sa gutom?


6. Maghahanap ako ng karton at manghihiram ako ng pentel pen at ipapasulat ko sa mabait na mama na marunong magsulat

‘KAHIT WAG NA PO BARYA, PATURO NA LANG PONG MAGSULAT AT MAGBASA’

o

‘PATURO NAMAN PONG MAGTAHI, ANG DAMIT KO PO KASI NABUBUTAS PALAGI’

o

‘MARUNONG NA PO AKO MAG-GUPIT NG DAMO. KUNG KAILANGAN NIYO PO NG TULONG AY TAWAGIN NYO LANG AKO’


o

‘BAWAL PO UMIHI DITO, HIGAAN KO PO ITO’

o

‘NAKAKAWALA DAW PO NG GUTOM ANG RUGBY PERO MASAMA SA KATAWAN. BAHALA NA. PAHINGI NAMAN PO KAHIT ISANG BOTE LANG’


o

‘WANTED: MADER AT PADER’


o

‘PANDESAL+TUBIG  =  UMAGA

ENSAYMADA+TUBIG  = TANGHALI

KANIN+ASIN  =  GABI

Jolly Fries  =  PANAGINIP’



o

‘KUNG KAYA KO LANG MAGTRABAHO, MAGBABAYAD AKO NG TAPAT SA BUWIS KO’


Kung ako’y magiging pulubi, tuturuan kong magbasa at magsulat ang lahat ng mga kasama ko. Yun lang ang kaya kong ibigay. Kayamanan na hindi kailanman mananakaw.

-Metaporista

Metaporista


Masuwerte tayo sa pagkakamit natin ng kalayaan. Malaya na tayo mag salita, kumilos at magdesisyon. Pero ang hindi natin alam, mayroon ding masasamang epekto ang lubusang pagtamo ng kalayaan.

Twitter

  • Madali lang magpayaman kung tutuusin. Ang nagpapahirap lang ay ang pag-abot nito sa malinis na paraan.-----4 months ago
  • Masubukan lang. Wala namang mawawala. Mabuti na ring simulan ngayon. Di ko kasi maintindihan ang @ at # na yan. Para mapaliwanag ko sa iba.-----4 months ago

SARANGGOLA BLOG AWARDS 2

CLICK MO ITO, KUNG AYAW MONG MAHOLDAP

Mga Blog noong nakalipas na buwan

Isa sa isang dosenang buwan

Nobyembre 2010
L M M H B S L
« Okt   Dis »
1234567
891011121314
15161718192021
22232425262728
2930  

Enter your email address to subscribe to this blog and receive notifications of new posts by email.

Join 31 other followers

SocialVibe


Follow

Get every new post delivered to your Inbox.

Join 31 other followers