Napakababang uri pala ng mga taong tamad sa mundo. Akalain niyo nga naman na ang dapat pag-aralan ng taong tamad ay ang mga insekto at hayop. Pag-aralan daw nila ang langgam na gumagawa kahit walang nagdidiktang kumilos para mapaghandaan at may makain. Tingnan din daw natin ang butiki na napakasipag ding manipat ng makakain. Kahit na ang butiking nakatira sa palasyo ay ganoon din ang sipag dahil alam nila na kung hindi sila kikilos ay mamamatay sila sa gutom. Tingnan din natin daw ang kuneho na napakasipag gumawa ng bahay sa kagubatan. Walang iniisip kung paano poproteksiyunan ang sarili at mabuhay pa sa mga susunod na araw.

Ang sabi, ang taong tamad ay masipag matulog, humilata at humiga. Isa ring libangan daw ng mga taong tamad ay ang manggulo sa paligid at magsimula ng kaguluhan. Isa sa mga patunay ay ang libangan ng mga kilala nating chismosa na nangangapit-bahay pa para lang manggulo. Kung iisipin, kaya nga lang naman pala nagagawa yun ay dahil wala silang ginagawa. Ang mga taong tamad din ay yung mahilig sa away o gulo. Yung tipong pag may bubugbugin ay sila ang nangungunang sumugod dahil wala nga silang pinagkakaabalahan kaya may oras sila sa mga ganung bagay.

Napakahalaga ng pagiging masipag sa isang tao. Meron na raw ba tayong narinig na umunlad ang buhay dahil sa pagiging tamad? Ang karaniwan nating naririnig ay ang mga taong umuunlad dahil sa kasipagan. Ang ilan, kahit hindi nakapagtapos ng pag-aaral ay nagagawa pa ring matamo ang magandang buhay. Tingnan niyo yung iba kahit nakapag-aral ay wala ring napupuntahan dahil tamad. Ang ilan nabuhay at pinanganak ng marangya ang buhay at iniwanan na sila ng kanilang magulang ng pagkakakitaan pero gayunpaman kapag tamad pa rin ang pag-iiwanan mawawala rin ang lahat na parang nalaglag sa butas na bulsa.

Kung iisipin yung mga tamad na yan ay may mga pangarap din. Ang problema sa kanila ay sobra kung mangarp. Yung tipong “pag mananalo ako sa lotto bibili ako ng ganito ganyan” at wala na siyang ibang iniisip kundi ang pagpila at pag-abang gabi-gabi sa bolahan ng lotto. Minsan, sa kakaisip kung anong gagawin kung sakaling magkapera siya ang kanyang nagiging libangan balang araw. Tandaan, hindi masamang mangarap.. kelangan lang ay sabayan ng pagsisikap.

Isa sa kasabihan ng mga pilipinong hindi maganda ay ang “Pag gipit, kahit sa patalim ay kumakapit”. Hindi dapat ganito ang nasa isip natin. Masyado itong pagiging makasarili. Kahit na alam nating makaka-agrabyado tayo ng iba ay gagawin natin para lang makatakas sa kalagayang gipit. Pag nagnakaw ka, mawawalan ang iba. Pag nanutang ka, mawawalan ang iba. Kung maydangal ka pang natitira at konsensiya, iisipin mo dapat na ang ninakaw o inutang mo ay gagamitin sana ng ibang tao at isa pa, pinaghirapan nila iyon. Hindi mo pawis ang tumulo para makuha ang perang iyon. Ang iba, ay nagagawa pang pumatay. Kung inayos mo lang sana ang buhay mo dati at hindi ka naging tamad, naabot mo na sana ngayon ang pangarap mo.

Ang papatay sa taong tamad ay ang gutom.

Dapat sa murang edad pa lang ay maturuan na ang inyong anak o magiging anak kung papaano magsikap at hindi laging umaasa. Matutong tumayo sa sariling paa, bumangon ng maaga para maraming aktibidad ang magawa at maging matalino sa paghawak ng pera. Kailangan itong matutunan ng lahat ng bata. Hindi lang ng mahihirap kundi pati ng mayayaman. Kasalanan ang pagiging tamad. Walang karapatang kumain ang taong tamad. Walang kwenta at dapat lang na ikahiya ang taong tamad. Taong laging palaasa. Taong laging nag-aabang ng himala. Ang sabi nga, nasa diyos ang awa, nasa tao ang gawa.

Sa mga taong laging pala-asa, kayo rin ang mahihirapan pagdating ng araw. Paano kung wala na ang inyong inaasahan? Paano ka gagapang? Walang tutulong sa atin kundi ang ating sarili. Ikatutuwa ng ating mga magulang kung makikita nilang ang lahat ng kanilang ginawang pagpapalaki sayo ay nagdulot para malagay ka sa mapayapa at maginhawang buhay.

Work hard, play later… Play hard, work later..

MGA KASABIHAN AT LARAWAN NG KATAMARAN