Nagtataka ba kayo kung bakit hindi maipaliwanag ng siyensya ang ilan sa mga kasabihan at pamahiin ng matatanda? Kung minsan ay hindi natin malaman ang paliwanag at pinagmulan ng kanilang mga kasabihan. Kung minsan naghahanap pa tayo ng paliwanag at batayan bago natin ito sundin o paniwalaan. Sawa ka na ba sa pagsaway ng lola mo sayo tuwing nagwawalis ka sa gabi? Nabwiset ka na ba nung hindi ka pinagbilhan sa sari-sari store ng karayom dahil gabi na? Ilang beses ka ng sinabihan ng lolo mo na hindi ka makakapag-asawa dahil sa pagliligpit mo ng maaga ng mga pinggan na kinainan niyo?

Ito na ang paliwanag sa likod ng mga iyon:

Bawal bumili ng karayom sa gabi. Mabubulag ka.
Malamang iniisip ng mga matatanda na sa gabi ka ring iyon magtatahi. Hindi pa naman syempre uso noon ang kuryente sa mga probinsya kaya kandila ang gamit nilang ilaw. Ikaw ba naman magtahi na kandila lang ang gamit e ewan ko lang kung di ka mamatay na hindi lumalabo ang mata mo. Sa pagpasok pa nga lang ng sinulid sa butas ng karayom ay mahirap na, magtahi pa kaya?
Wag tumuloy sa lakad pag may pusang itim na tumawid sa kalsadang dinadaan niyo. May maaaksidente. Pwedeng ikaw o yung mga taong iniwan niyo sa bahay.
Ex. Gipit na ang pamilya niyo sa pera pero nagpupumilit sumama ang anak niyo sa outing ng mga kaibigan niya. Hindi siya mapigilan ng mga magulang niya sa pagalis kasi meron siyang perang inipon (uutangin sana ng pambili ng bigas). Kaya ang solusyon ng tatay, manghiram ng itim na pusa at padaanin ito sa unang kanto ng sa lugar nila pagalis ng anak niya. Syempre matatakot yung anak niya dahil may itim na pusa kaya ayon, hindi na siya sumama sa outing. Yan ang style noong unang panahon pa lang.

May dadating na bisitang babae pag nalaglag mo ang kutsara habang kumakain at lalaking bisita naman pag tinidor.
Ang Tinidor ay patusok. Nagsisimbulo ng pagkalalaki. Ang Kutsara ay palapad, simbulo ng pagkababae. Style ito ng mga lolo at lola natin para mapabilib nila tayo. Bilang nakatatanda, ginagalang natin sila dahil sila ang mas maraming nalalaman kesa sa atin. Style nila ito para manatili ang ating respeto at paghanga sa kanila.
Ex. Alam ng Lolo mo na dadating si Mang Igme sa bahay niyo ngayong tanghali dahil nagsabi na ito nung nakaraang linggo na babalik siya sa susunod na linggo sa parehong oras. Since yung lolo mo lang yung pinagsabihan ni Mang Igme, magkakaroon na siya ng tiyansa para magpasikat. Habang kumakain kayo ng tanghalian sasadyain ni lolo mo na malaglag ang tinidor ng paborito niyang apo at agad niyang sasabihin “Naku, may bisita tayong lalaking dadating”. Mabibilib ka na lang dahil mayamaya lang ay nandiyan na si Mang Igme sa hapag kainan niyo.
Pag nabungi ka sa iyong panaginip, may miyembro ng inyong pamilya ang mamatay. Kumagat sa pinto o haligi para hindi matuloy.
Noon, hindi masyadong vocal ang mga tao. Madalang sabihan ng mga anak ang kanilang mga magulang ng ‘Mahal kita’ o ‘Mahal ko kayo’. Paano malalaman ng mga matatanda na mahal sila ng kanilang mga anak o mga apo? aantayin nilang mabungi ang kanilang mga anak sa panaginip at pag nagkuwento sa kanila tungkol sa kanilang panaginip ay sasabihin agad nitong “Naku, masama yan, baka lumalala na talaga ang sakit ko. Baka mamatay na ako.” (Syempre bago mangyari iyon ay nakwento na ng mga nakakatanda ang kanilang dapat gawin pag nakapanaginip sila ng ganoon). Pag kumagat ang anak/apo sa pinto o haligi, ibig sabihin nun ay mahal sila ng kanilang anak/apo. Pag hindi kumagat, hindi na sila mahal. Ang tanong, ba’t sa pinto o haligi? Dati, lahat ng pinto o haligi ay pawang gawa sa kahoy. Pag kumagat doon ang kanilang anak/apo, babaon iyon at magiiwan ng bakas. Ang bakas na iyon ang kanilang magiging inspirasyon sa kanilang pagiisa sa bahay kapag nasa eskwela o trabaho na ang kanilang mga anak. “Kahit pala matanda na ako, mahal pa rin nila ako..”.
Bawal magligpit hangga’t di pa tapos kumain lahat ng nasa hapag kainan. Hindi raw makakapag-asawa.
Tanong, sino ang naiiwan lagi sa hapag kainan pag kumakain ang buong pamilya? malamang sina lolo’t lola na kung hindi nakapustiso ay gilagid lang ang ginagamit sa pag-nguya. Pag nagligpit ka, prinepressure mo sila na kumain ng mas mabilis na hindi nila kayang gawin dahil nga gilagid lang o pustiso ang kanilang pinangkakagat (hilig din ng matatanda manimot ng mga ulam lalo na pag isda dahil nanghihinayang sila kung itatapon lang). Kaya isang araw, nagkasundo si lolo’t lola mo na ang magligpit ng hapag kainan hangga’t di pa tapos lahat ay hindi mag-aasawa. Sino ba namang tao ang hindi gusto makapag-asawa diba? (maliban lang kung magma-madre o magpa-pari)
Bawal kumanta habang nagluluto. Hindi rin makakapag-asawa.
Ayaw ni lolo at lola mo na ang uulamin niyong buong pamilya ay titilamsikan mo ng laway. Simple. Kaya wag mo na subukang kumanta pa habang nagluluto.
May nakaalala daw sa iyo pag nasamid o nabulunan ka habang kumakain.
Usually, ikaw na nabulunan ay manghihingi  ng number na may katumbas na letra. At ang letrang iyon ang simula ng pangalan ng taong nakaalala sa iyo. Pinauso ito ng mga matatanda para pakalmahin ka, Checkin kung ok ka lang at gawin kang katatawanan.
Ex. “Uhummm uhummmm uhummm… Number nga!” (E kabisado nya na ang ‘J’ ay pang 10 letra yun ang sasabihin niya dahil si Joseph ang nanliligaw sayo). Magbibigay muna ng mga dalawang maling pangalan ang nakatatanda. “Joshua? ay hindi, Joel? ah!! alam ko na! Si Joseph yung bantay sa kapilya naaalala ka!”

Itapon ang ipin sa bubong at papalitan ito ng daga

- Bakit hindi aso? Bakit hindi pusa? Ang ipin ng daga ay mas nahahawig sa ipin ng tao. lalo na ang 2  ipin sa harap kumpara sa aso at pusa na matatalas. Sinasabi rin ito ng matatanda bilang pampalubag loob sa mga batang nahihiyang ngumiti at makipaglaro sa mga kaibigan. Sinasabi lang ito ng matatanda kapag hindi pa permanent tooth ang nabungi sa bata. Kaya ang mga bata, magugulat dahil totoo nga na napalitan ang kanilang ipin pagkalipas lang ng ilang linggo.

Mauunang mamatay ang nasa gitna pag 3 kayong nagpapicture.

- Hindi lang napapansin ng karamihan, ngunit likas sa tao ang bigyan ng atensyon ang mga mas nakakatanda. Tumingin kayo sa mga grand family picture niyo. Sino ang nasa gitna? Sina lolo at lola hindi ba? Kung sino ang special, siya ang nasa gitna. Lalo na noong panahong sobrang konti pa lang ang mayroon camera at sobrang mahal ang magpakuha ng litrato. Ngayon, dahil sa digital camera, pwede na ang magpalipat-lipat ng pwesto. Kahit ang lolo at lola mo ang nasa magkabilang dulo at naka-wacky pa. Pero meron pa rin namang mga nagpapatuloy ng mga gawaing ito. Ang mga class picture natin. Sino ang nakapwesto sa gitna? Walang iba kundi ang adviser mo na di hamak na mas matanda at mataas ang posibilidad na una siyang mamatay kaysa sayo.

Wag matutulog na basa ang buhok. Mabubulag ka.

- Una, hindi ito applicable sa mga kalbo. Pangalawa, para mapatunayan niyo ito sa sarili niyo, subukan niyo ito ng kahit isang beses. Hindi totoo na mabubulag ka. Pero totoo na gigising ka na blurred ang iyong paningin. San ba nagsisimula ang pagkabulag? Edi sa panlalabo ng paningin. Kaya nila nasasabi na mabubulag ka, hindi nga lang agad-agad kundi pag pinagpatuloy mo ang pagtulog na basa ang buhok. Lalo na noong unang panahon na wala pang magagandang tela na bath towel na nakakaabsorb ng tubig sa buhok at lalo ng wala pang electric fan at hair dryer at blower.

Wag magpapalit o kakain sa dalawang plato. Dalawa ang magiging asawa mo.

- Hindi nilinaw ng kasabihan na ito kung dalawa bang sabay ang magiging asawa mo o mabibiyuda ka at makakapag-asawang muli. Ang pinaka punto lamang nito ay ang kakuntentuhan ng tao sa isang bagay. Kung kuntento ka na sa isang platong kinainan mo, hindi mo na kailangang maghanap o magpalit pa ng ibang plato. Ang simpleng pag-uugali kung minsan ay lumalarawan sa kabuuan ng ating pagkatao.

Wag magpalumbaba. Lalapitan ka ng malas.

- Dahil ba ito sa pose ni Ninoy sa 500 peso bill? o dahil sa kasabihang ito kaya ganun ang naging pose ni Ninoy sa 500 peso bill? Ang pagpalumbaba ay nagiging natural na postura ng tao kapag sila ay nag-iisip ng malalim at matagal at kadalasang natutulala at napapadiretsong idlip. Sinasabi ito ng mga tao matatanda sa mga tindero at tindera nila noon dahil bukod sa mahahalata ng mga tao na matumal ang kanilang benta ay matutukso ang mga tindero na maidlip.

Wag magwalis sa gabi. Lalabas ang grasya.
- Noon, may halaga ang ating 1 sentimo. Hindi pa rin noon uso ang mga bumbilya at gumagamit lamang sila ng gasera. Mawawalis ang mga nakakalat na barya sa sahig kapag nagwalis sila sa gabi. Kaya iniiwasan nila ito.

Bawal isukat ang damit pangkasal. Hindi matutuloy ang kasal.

- Binubuo ito ng element of surprise. Sa araw lamang ng kasal ito dapat isuot. Para mapangalagaan ang pagiging espesyal ng okasyong inyong pinaka-aabangan.

Bawal magpakasal ang magkapatid sa loob ng isang taon o pag may namatay na kamag-anak. Sukob. Mamalasin ka.

- Sukob dahil sa gastos. Dahil magastos ang mag-pakasal at magpalibing. Dapat 1 year ang pagitan. Para maka-ipon at magpagpa hinga muna ang mga kamag-anak na magreregalo sa inyo. Isang malaking sumpa ang wala ng magastos na pang-ulam ang mga bagong kasal hindi ba? Hindi rin maganda magdiwang at magsaya agad pagkamatay ng nanay o tatay mo.

Wag didiretso sa bahay pag galing sa lamay, susundan ka daw kasi ng patay

-Kailangan daw na tumambay ka muna sa kung saan tulad ng tindahan, ihawan para mailigaw ang kaluluwang susunod sa iyo. Malamang ay ayaw lang ng nag-imbento ng kwento na ito na malaman ang nakakatakot na pangyayari sa buhay ng namatay. Sila yung mga taong takot sa horror story at ni ayaw sumilip sa kabaong dahil hindi daw nabubura sa kanilang isip.

Kapag may inutos daw sayo ang tao bago ito mamatay at hindi mo nasunod, ay mumultuhin ka nito

-Ito ay panakot lang ng mga magulang sa kanilang mga anak para sundin sila palagi ng kanilang anak dahil ang buhay ng  tao ay hindi permanente at sa kahit anong oras ay pwede tayong mamatay

Pag namatay na mabait, diretso sa langit. Pag namatay na masama, diretso sa impyerno. Pag medyo-medyo, diretso sa purgatoryo.

-Ito ay panakot lamang ng mga pari na isinabuhay na ng mga tao. Ito ay isang paraan para magkaroon ng lipunan na binubuo ng mga taong mababait. Ang purgatoryo ay isa raw lugar kung saan dadalisayin ka sa iyong nagawang kasalanan. Ang haba raw ng itatagal ng tao dito ay nakadepende sa nagawa mong kasalanan. At para mapaiksi daw ang paglalakbay ng taong namatay ay kailangan siyang tulungan magdasal ng mga mahal sa buhay. Ang purgatoryo ay wala dati sa mga aral ng Roma Katolika at umusbong lang noong 1215 sa Lateran Council at muling umusbong noong 1431 sa Leon Council at Trent Council sa pagitan ng 1545 hanggang 1563. Totoo bang may langit at impyerno? Yan ay nakadepende na sa paniniwala ng tao, pero ang langit at impyerno ay mababasa mismo sa reperensya ng mga kristiyano, ang Biblia. Ngunit ang Purgatoryo ay hindi nakasulat sa biblia at interpretasyon lang.

Kailangan daw binyagan ang bata para di madaling magkasakit

-Walang malinaw na paliwanag ang siyensa sa paniniwala dito ng mga katoliko. Ginawa lamang ito para akitin ang mga magulan na ipabinyag ang kanilang anak noong panahon na hindi pa nadidiskobre ang ‘immune system’, ‘vaccine’ at ‘vitamins and minerals’.

Pag patulis daw ang tiyan ng buntis ay lalaki at pag bilugan naman ay babae

-Ang matulis ay phalic symbol lamang (ari ng lalaki) kaya nila naisip na kapag lalaki ay “Matulis” at bilog naman pag babae.

Bawal daw maligo ng 1 linggo, pagka-panganak dahil mabibinat

-Marami na ang nagpatunay na hindi ito totoo. Sinasabi lamang ito noon para mabigyan ang nagbuntis ng higit pa sa espesyal na atensyon ng kanyang asawa at pamilya. Kadalasan ay hindi pinapakilos ang bagong panganak. Ngunit sa ibang bansa ay bumabangon agad at gumagawa ng gawaing bahay. Isa pa, ang mga gawaing bahay noon ay pisikal tulad ng paglalaba na hindi pa ginagamitan ng washing machine, igib ng tubig noong panahong wala pang gripo at pagluluto ng wala pang kalan.

Pag kumain ng kambal na saging ang buntis, ay magiging kambal ang anak

-Nakatsamba lang siguro ang unang kumain nito kaya nagawa niya ang kwentong ito. Kung totoo ito ay malamang sa malamang, lahat ng pinay na nagbubuntis ay kambal na. Ang panganganak ng kambal ay maipapaliwanag sa siyentipikong paraan at hindi sa mala-alamat ng saging na paraan.

Papahiran daw ng laway ang bata ng taong nakabati dito para iwas ‘usog’

-Isa lamang itong imbentong paniniwala. Kadalasan ang bata ay natural na umiiyak kapag may nakakasalamuhang bagong amoy, hitsura at ingay ng tao. Minsan ay nagkakataon lang na masama ang pakiramdam ng bata noong mabati ito ng kakilala.

Para mawala ang sinok ng bata, lagyan ng sinulid sa noo

-wala itong siyentipikong basehan. Maaari lamang na napupunta ang atensiyon ng bata sa  sinulid na nakalaylay sa kanyang noo kaya naiiba ang paghinga at pwesto dahil sa pilit na pag-abot nito.

Kapag nadulas daw ang nanay habang nagbubuntis na una ang puwit, ay bingot ang magiging anak

-Ang pagkabingot ay namamana sa angkan. Pangsisisi lamang ito ng mga tao sa kapabayaan ng magulang at hindi pag-iingat sa pagdadalang tao.

Pakainin ng puwet ng manok ang bata para mabilis makapag-salita

-Ang kakayahan ng bata ay nakadepende sa talino, sustansya at taong nakapaligid dito. Siguro ay aksidenteng napakain si Gloc-9 noong bata pa kaya naimbento ang kwentong ito. Isa itong malaking imbento ng mga matatanda. Baka kailangan din nilang pakainin ng paa ng manok ang bata para mabilis ding makalakad.

Kapag natinik sa pagkain ng isda, magpahilot sa lalamunan sa kakilalang taong suhi

-Mawawala daw ang tinik pag nagpahilot ka ng lalamunan sa kanila. Ang ‘suhi’ ay ang mga taong unang lumabas ang paa sa panganganak imbis na ulo muna. Isa lamang itong pagbibigay ng espesyal na pagturing sa mga taong suhi. Tila may hiwaga daw ang mga taong pinanganak na una ang paa. Ginawa lamang ito para ipagkalat na pinangak niya ang anak niya na una ang paa upang maging sikat siya at pag-usapan sa kanilang lugar.

“Uy, natinik yung anak ko! Pahilot nga sa lalamunan!”

“Sige”

Nachambahang natanggal

“Uy! Thank you ha! You’re a hero in disguise! Ang laki ng utang na loob ko sayo! O, iuwi mo itong isang kilo ng bayabas!”

“Thank you po.”

Mas epektib pa ang pagpapalunok ng kanin o kaya ng malaking parte ng saging kapag natinik.

–Metaporista

Note:

Isusunod ko na lang yung iba pa pag naalala ko.

Nakalimutan ko na kasi yung ibang kasabihan.

About these ads